MALAMIG NA LANGIT (Ika-33 labas)

NAISTORBO sa pagtulog si Romano.

Tinatamad na inabot ng isang kamay ang telepono na nakapatong sa gawing ulunan.

“Hello …..” sabi niya.

“Pare, si Louie ito. May maganda akong balita para sa iyo,” masayang sabi ng kausap sa kabilang linya.

Biglang nawala ang antok ng binata.

Bumangon siya at naupo sa higaan.

“Ano namang balita iyan?” tanong ni Romano.

“Nagising na si Dr. Mercado.”

“Mabuti. At least, hindi nasayang ang heart transplant operation na ginawa ko para sa kanya.”

“Pero hindi iyan ang talagang balita na gusto kong sabihin sa iyo, pare.”

“Ano ba? Hindi mo pa kasi deretsuhin!” nagkakamot ng ulong sabi ng binata.

“Sabi ni Dr. Mercado, kapag magaling na siya ay aayusin niya ang problema mo sa medical board para maibalik ang lisensiya mo bilang doktor. Pababalikin ka na raw niya sa ospital!”

Ang dami pang sinasabi ni Louie pero parang hindi na naririnig pa ni Romano.

Tuwang-tuwa siya …

Lunod na lunod ang puso sa matinding kagalakan.

Kaya kahit napuyat, masiglang-masigla ang pakiramdam ng binata kinabukasan.

Nauna pa nga siyang bumangon kay Almira.

Hindi na niya ginising ang babae.

Siya na ang naghanda ng almusal.

Kaya gulat na gulat ang dalaga nang gisingin niya para kumain.

“Ang galing mo naman. Parang hindi ka napagod kagabi. Nauna ka pang gumising kaysa akin!”  takang sabi ng dalaga habang humihigop ng  mainit na kape.

“Inspired kasi ako,” nakangiting sabi ni Romano.

“Tungkol saan? Dahil tinitigasan ka na? Grabe ‘yang alaga mo. Sumasakit ang ‘ano’ ko tuwing gagamitin mo!” sabi naman ni Almira.

Hindi pinansin ng binata ang sinabi ng dalaga.

“Tumawag kasi sa akin si Louie habang natutulog ka,” aniya.

“Nagising na raw ang direktor ng ospital na inoperahan ko …..”

“Meaning hindi pa rin kinakalawang ang galing mo. Akala ko nga, natodas na iyon, e!” Tuloy sa pagkukuwento si Romano.

“At ang maganda, tutulungan niya ako na malinis ang pangalan ko sa medical board para mabawi ko ang aking lisensiya at makabalik ako sa ospital,” masayang dugtong ng binata.

Hindi na nagkomento si Almira.

Nang tingnan ni Romano, nakita niyang malungkot ito na nakatungo.

“Parang hindi ka masaya sa bagong kaganapan sa buhay ko,” sabi ng binata.

“Siyempre masaya. Pero nalulungkot ako para sa akin,” sagot ng dalaga.

“B-Bakit?”

“Dahil oras na bumalik ka na sa pagkadoktor, iiwan mo na ako.”

“Hindi kita iiwan. Isasama kita sa pagbabalik ko sa Maynila,” sagot ni Romano.

“T-Talaga?”

“Oo!”

“Sasama ako sa iyo pero gusto ko na pakasalan mo muna ako!” kundisyon ni Almira.

Muntik nang masamid ng binata sa sinabi ng babae.

“Okey naman na magsama tayo kahit walang kasal. Saka na muna natin pag-usapan iyan. Hindi pa ako nakahanda para humarap sa dambana,” sabi ng binata.

Tumigil sa pagkain si Almira.

“Paano kung makatagpo ka ng babae na higit sa akin? Paano ako makakapaghabol sa iyo kung wala akong karapatang gawin iyon?”

Hindi kaagad nakasagot si Romano.

Ewan niya kung bakit biglang sumilid sa kanyang isipan si Dra. Charlene Gorospe.

Pagbalik niya sa ospital, hindi na maiiwasang madalas silang magkasama …

Maging close hanggang sa madebelop.

Hindi imposible iyon dahil nararamdaman niyang may tama sa kanya ang dalagang doktora at may soft spot din siya sa puso niya.

“Nahihirapan kang sagutin ang tanong ko, hindi ba? Dahil hindi mo ako tunay na mahal. Ginamit mo lang ako para gumaling ka sa taglay mong karamdaman,” may pagdaramdam sa tinig na sabi ni Almira. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply