MALAMIG NA LANGIT (Ika-34 labas)

SOBRANG excited ni Romano habang nagbibiyahe pabalik ng Maynila.

Makakabalik na kasi siya sa trabaho na pinagsunugan niya ng kilay sa mahabang panahon.

Hanggang sa bigla na lang sumilid sa kanyang isipan si Charlene …

Napangiti siya at hindi naiwasang kiligin nang maisip ang maganda at batambatang doktora.

Naisip niya tuloy na blessing in desguise para sa kanya ang hindi pagsama ni Almira sa Maynila.

Walang magiging istorbo sa magiging closeness nila ng dalaga.

Tuwang-tuwa ang mag-asawang matandang kasambahay nang dumating siya sa kanilang bahay sa Valle Verde.

Alam na nila ang bagong kaganapan sa buhay ng kanilang amo.

“Napanood namin sa tv ang balitang ibinabalik na ang lisensiya mo para makabalik ka na sa trabaho bilang isang doktor, senyorito,” masayang sabi ni Mang Akong.

“Sa wakas ay nalinis na rin ang pangalan mo, senyorito,” sabi naman ni Aling Melinda.

“Iyon ang dahilan kaya bumalik na ako rito,” masayang sagot naman ni Romano.

Inihatid ni Mang Akong ang mga gamit ng binata sa kanyang kuwarto.

Sumama naman ang huli kay Aling Melinda sa kusina.

May niluto kasing masarap na kakanin ang matandang babae at gusto niyang matikman.

Kasalukuyan siyang kumakain nang tumunog ang kanyang cellphone.

Si Louie ang nasa kabilang linya.

“Narito na ako sa bahay pero bukas na ako magre-report sa ospital, pare,” sabi ng binata.

“Good! Pero may party kami sa Manila Hotel mamayang gabi at importante na dumalo ka,” sagot naman ni Louie.

“Darating ako, pare,” masayang sagot ni Romano.

Hindi alam kung ano’ng party ang sinasabi ng kaibigan pero pinaghandaan nang husto ng binata.

Bago kumagat ang dilim ay naligo na siya …

Isinuot ang pinakamagandang terno na magpalutang nang husto sa kanyang kapogian at kamatsuhan.

At bago umalis ay nag-spray ng mamahaling pabango.

“Mukhang may lakad ka, senyorito,” puna ni Mang Akong nang makita siyang bihis na bihis.

“May dadaluhan akong party sa Manila Hotel,” nakangiting sagot naman ng binata.

Sa puntong ito, hindi ang paboritong SUV ang kanyang sinakyan kundi ang BMW na kotse.

Ilang saglit pa at nagbibiyahe na siya patungo sa lugar na inihimaton ni Louie.

Habang patungo sa Manila Hotel, tinawagan niya ang kaibigan at sinabing on the way na siya patungo rito.

Nagulat siya pagdating sa nasabing lugar dahil nadatnan niya ang kaibigan na naghihintay sa kanya.

Si Louie na ang nagsilbing guide niya patungo sa function room kung saan gaganapin ang nasabing party.

Gulat na gulat si Romano nang makapasok sa nasabing function room …

Narito nang lahat ang mga kaibigan at kasamahang doktor pati na ang mga nars …

Naroon din si Charlene.

Isang welcome party pala iyon na inihanda nila para sa kanyang pagbabalik sa trabaho bilang isang doktor.

Maluha-luha ang binata sa katuwaan.

Bago ang kainan, may inihanda silang maikling programa.

Isa-isa silang naghandog ng maiikling pananalita tapos ay si Romano ang pinakahuli.

Nagbigay naman ang binata …

Hindi nawala sa maikli niyang talumpati ang labis na pasasalamat sa dakilang lumikha at sa mga taong patuloy na naniniwala sa kanya sa kabila ng krisis na pinagdaanan ng kanyang buhay.

Binigyan siya ng standing ovation ng mga kasamahan sa hanapbuhay matapos ang kanyang speech.

Habang pabalik siya sa kanyang upuan, sinalubong siya ng ilang doktor na babae at sinabitan siya ng bulaklak.

Kabilang si Charlene sa kanila na nagsabit ng bulaklak sa kanyang leeg.

“I’m so happy na nagbalik ka na, Dr. Santamaria. It’s an honor for me na makasama ka sa trabaho,” masayang sabi ng dalaga.

“The feeling is mutual,” sagot naman ng binata.

Engrande ang handa at may konting inuman.

Hindi sinasadyang nagkatabi sa upuan sina Charlene at Romano.

Biglang inulan ng biro ang dalawa.

At dahil parehong single, bagay na bagay daw na magkatuluyan.  Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply