MALAMIG NA LANGIT (Ika-34 na labas)

“KUNG anu-ano ang iniisip mo. Hindi ka pa ba nasisiyahan na magkasama tayo at  nakaalis ka na sa pusali na pinagtatrabahuhan mo?” sabi ni Romano kay Almira.

Hindi sumagot ang dalaga.

Itinuloy ang tamilmil na pagkain.

Pero feeling niya’y ayaw pumasok sa kanyang lalamunan ang kinakain kaya bigla siyang tumayo sa kinauupuan.

“Excuse me!” sabi ng dalaga at lumabas na ng kusina.

Bumalik na sa kuwarto at padapang ibinagsak ang katawan sa kama.

Sinundan siya ng binata.

Hinaplos-haplos sa likod.

“Puwede naman tayong magpakasal pero hindi kaagad. Maraming dapat isaalang-alang at dapat asikasuhin. Kakausapin ko pa ang parents ko na nasa abroad at aayusin ko pa ang pagbabalik ko sa ospital. We need to wait hanggang sa dumating ang tamang pagkakataon,” masuyong sabi niya kay Almira.

Marahang pumihit paharap ang dalaga …

Luhaan ang kanyang mga mata …

“Natatakot kasi ako, Romano,” humihikbi niyang sabi.

“Saan ka natatakot?”

“Ang layo ng pagitan nating dalawa. Doktor ka at ako ay isa lamang hamak na GRO. Pagbalik mo sa ospital, marami kang babaeng makikita na karapat-dapat sa iyo. Dahil diyan, anytime ay puwede mo akong palitan,” luhaang sabi ni Almira.

Nangako ang binata na hindi magbabago pero wala siyang maramdamang katapatan sa sinasabi.

“Bakit naman kita papalitan? Malaki ang utang na loob ko sa iyo dahil ikaw ang dahilan kaya bumalik sa normal ang aking pagkalalaki. Ikaw ang nagbigay ng bagong pag-asa sa buhay ko,” sabi ni Romano.

Biglang bumangon sa pagkakahiga si Almira at mahigpit na yumakap sa lalaki.

Hindi nakikita ng babae, nakabadha sa mukha ng binata ang pag-aalinlangan.

Makalipas ang dalawang araw, muling nakatanggap ng tawag si Romano mula sa kaibigang doktor na si Louie.

“Congratulations, pare. Naayos na ang problema mo. Anytime ay puwede ka nang bumalik sa trabaho,”  masayang sabi ng una.

“Thank you, pare,” tuwang-tuwang sagot naman ni Romano. “Tunay ka talagang kaibigan dahil hindi ka nagbago sa kabila ng mga problema na aking pinagdaanan.”

“Walang dahilan para magbago ako sa iyo, pare. Alam ko namang ang mga nangyari sa iyo ay hindi mo sariling kagustuhan,” sagot naman ni Louie.

Nang matapos ang kanilang pag-uusap, hangos na inutusan ni Romano si Almira na gumayak.

“B-Bakit, saan tayo pupunta?” takang tanong ng dalaga.

“Sa Maynila. Babalik na ako sa aking trabaho at isasama kita!” masayang sagot naman ng binata.
Atubiling sumama ni Almira.

“Magpapaiwan na lang kaya ako. May usapan kasi kami ng kaibigan kong si Donna. Kumita kasi siya ng malaki sa Japan at nagkasundo kaming magsosyo para magtayo ng isang class na KTV bar sa lugar na ito,” sabi ng dalaga.

Saglit na natigilan si Romano.

Karapatan ni Almira ang kanyang desisyon.

Maganda naman ang plano niya na magbukas ng negosyo na kabisado niya.

“Kung ayaw mong sumama, wala akong magagawa,” sabi niya sa dalaga.

“Hindi sa ayaw. Gusto ko lang masimulan ang business namin ni Donna. Susunod ako sa iyo kapag okey na ang lahat.”

“Okey!” sabi  ni Romano at nagsimulang mag-empake ng mga gamit.

“Kahit hindi tayo magkasama, ayokong malagot ang komunikasyon natin. Magtawagan tayo, Romano,” sabi ni Almira.

Tumango ang lalaki.

Ilang saglit pa at handa na siyang umalis.

“Kailan ka susunod?” baling niya kay Almira.

“Tatawagan kita!”

Mahigpit silang nagyakap at naghalikan bago naghiwalay. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply