MALAMIG NA LANGIT (Ika-36 labas)

MARUNONG sumakay sa biro si Charlene.

“Pinag-uusapan iyan. Kung magkakasundo ba kami ni Dr. Santamaria, why not?” game na tugon ng dalagang doktora.

Lalong lumakas ang biruan.

Meron pang hindi nakatiis at  nagpalakpakan.

“Paano iyan, Romano. Kailangan bang inahen pang manok ang gumiri sa tandang?” biro ni Dr. Samaniego, isang matandang doktor.

Pulang-pula ang mukha ng binata.

“Kami na lang ni Dra. Gorospe ang mag-uusap. Malalaman na lang ninyo ang resulta kung mauuwi iyon sa kasalan o hindi,” pabirong sagot na rin ni Romano.

Si Charlene naman ang namula ang mukha habang tuwang-tuwang nagpapalakpakan ang mga tao sa kanilang paligid.

Nagpatuloy ang masayang welcome party kay Romano pero nang mag-alas-dose na ng hatinggabi ay isa-isa nang nag-alisan ang mga panauhin.

Ang iba ay pupunta sa duty habang ang iba naman ay uuwi na dahil maaga ang pasok kinabukasan.

Nagkasabay sa paglabas ng otel sina Romano at Charlene.

Nagkataon namang ng time na iyon ay walang dalang sasakyan ang dalaga.

Iniwan niya sa ospital at nakisakay na lang sa van ng isang kasamahang doktor para hindi boring ang pagbibiyahe patungo sa nasabing otel.

Karakang nag-alok ng free ride ang binata.

Nakiusap siya kay Dra. Sevilla na siya na ang maghahatid sa dalaga pauwi sa tinutuluyang condo unit.

Kilig na natawa ang una.

“Pakiramdam ko’y mauuwi sa totohanan ang biruan kanina,” sabi ng doktora.

“Kung sakali, masama ba, Dra. Sevilla?” nakangiting sagot ni Romano.

“Hindi! Ang saya-saya nga!” nakabungisngis niyang tugon.

Pinagbigyan ni Charlene ang binatang siruhano.

Sumakay siya sa kotse nito.

Inihatid siya ng binata sa tinutuluyang condominium sa Mandaluyong.

Nang makarating sila rito, nag-invite ang dalaga na dumaan muna rito para makapagkape.

Nagpaunlak naman si Romano.

Nag-elevator sila paakyat sa  27th floor na kinaroroonan ng unit ni Charlene.

Hindi tumawag ang dalaga.

Binuksan niya ang pintuan ng kanyang condo unit sa pamamagitan ng sariling susi.

Maganda ang tinutuluyan ng dalaga …

Malinis at kumpleto sa mga state-of-the art na kasangkapan.

“Wait ka lang diyan at igagawa kita ng coffee,” sabi ng dalaga habang nakaupo ang binata sa malambot na sofa.

“Wala ka bang kasama rito?” tanong ni Romano kay Charlene nang bumalik ang dalaga na may dalang tray na kinalalagyan ng dalawang cup ng hot coffee.

“Wala!” sagot ng dalaga.

“Pero sino’ng nagluluto ng food mo?”

“Ako!”

“Ikaw din ang naglilinis dito?”

“No! Once a week ay nagpupunta rito ang kasambahay ng parents ko para maglinis at maglaba ng mga gamit ko!”

“Hindi ka ba nalulungkot na mag-isa rito?” tanong pa ni Romano.

“Sanay na ako!”

“Tutal ay nasa edad ka na, kailangan siguro na magkaroon ka na ng pamilya,” sabi ng binata.

Bigla siyang tinitigan ni Charlene.

“Is that a suggestion or an offer?” pormal na tanong ng dalaga kay Romano.

Hindi inaasahan ng binata ang tanong na iyon pero game siyang sumagot.

“Kung sakali na offer ko nga iyon, tatanggapin mo ba?” tanong niya.

“Kung seryoso ka, why not?”

Ikot ang puwitan ng binata sa kinauupuan.

Mukhang mapapasubo siya kay Charlene.

Sa sitwasyong iyon, bigla niyang naisip si Almira.

Bigla siyang nagtanong sa sarili kung kaya niyang ipagpalit ang babae na nagbalik sa normal ng kanyang pagkalalaki o sa babae na nagpatibok ng kanyang puso? Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply