MALAMIG NA LANGIT (Ika-40 labas)

“IKAW ang naghatid kay Charlene pauwi sa kanyang condo kagabi. May alam ka ba kung bakit hindi siya makakapasok ngayon?” tanong pa ni Dra. Sevilla.

“W-Wala akong alam,” pagkakaila ni Romano.

“Hindi mo alam na nilalagnat siya?” nakangiting sabad naman ni Dr. Samaniego.

“Pero bakit siya nilagnat?” nakangisngis na tanong naman ni Dra. Manalo.

“Tinawagan na ba ninyo si Charlene?” Naisipang isagot ng binata.

“Siya ang tumawag. Sinabi na hindi raw makakapasok ngayon dahil masama ang pakiramdam. Magkasama kayo kagabi,  wala ka ba talagang alam kung bakit sumama ang pakiramdam niya?” tanong naman ni Dr. Samaniego.

“Kung may alam ako, di ikinuwento ko sa inyo,” sagot ni Romano.

“Huwag ka nang magkaila dahil alam ko na ang dahilan. Magkaibigan kami ni Charlene at wala kaming lihiman,” tumatawang sabad ni Dra. Santillan.

Biglang namula ang mukha ng binata.

“Bigla kang tumulis, pare,” pabirong sabi ni Louie. “Hindi pa natatagalan kayong magkakilala ni Charlene pero pumayag kaagad na pilayan mo.”

Sabog ang malakas na tawanan.

“Paano iyan? ‘Di kasalan na ang susunod!” sabi ni Dra. Manalo.

Pulang-pula ang mukha na hindi malaman ni Romano ang isasagot.

Natigil lamang ang biruan dahil oras na para harapin nila ang kani-kaniyang pasyente.

Wala pang tawag ang binata kaya naupo siya sa likuran ng kanyang table.

Nag-iisip.

Pailing-iling.

Hindi makapaniwala na magagawang ikuwento ni Charlene sa mga kasamahan sa trabaho ang namagitan sa kanila kagabi.

Hindi niya maisip ang dahilan.

Hindi kaya para matalian siya ng dalagang doktora?

Kapag nga naman naman alam ng kanilang mga kasamahan ang affair nilang dalawa, hindi niya magagawang lokohin ang dalaga.

Marami ang uusig sa kanya.

Nasa gayun siyang ayos nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone.

Tawag iyon at hindi text.

Hangos niya itong dinukot sa kanyang bulsa para alamin kung sino ang caller.

Si Almira ang nasa kabilang linya.

Handa na raw siya na sumunod sa kanya sa Maynila.

Biglang nakaramdam ng malaking problema si Romano.

Hindi pa ma’y nararamdaman niyang parang maiipit siya sa nag-uumpugang bato.

Tiyak na sasama ang loob ni Almira oras na malamang bukod sa kanya ay may pinatulan siyang ibang babae.

Sigurado namang iisipin ni Charlene na niloko siya ni Romano dahil may mahal na palang iba ang binata bago siya dumating sa buhay nito pero hindi niya ipinagtapat.

Hindi lang ang dalaga ang tiyak na sasama ang loob sa kanya kundi pati na ang mga kasamahan sa trabaho.

Tiyak na sasabihin nila na namamangka siya sa dalawang ilog.

Pero paano niya sasabihin kay Almira na huwag munang sumunod sa kanya sa Maynila?

“Baka hindi kita masundo sa terminal pagdating mo. Busy ako sa ospital.  Dumeretso ka na lang sa bahay. Madali naman itong puntahan. Magpahatid ka na lang sa taksi,” sabi ng binata sa babae.

Ganito ang naging usapan nila ng dalaga.

Mahabang sandaling natigilan si Romano nang ibaba na ang hawak na telepono.

Paano kung sundan siya ni Almira sa pinapasukang ospital?

Tiyak na magtatanong ang mga kasamahan niyang doktor kung sino siya?

Kung sasabihin naman niyang pinsan, baka hindi sila maniwala dahil sobrang lambing sa kanya ni Almira.

At paano naman niya ipakikilala si Charlene sa dalaga?

Hindi maiiwasang magkabukuhan.

Hindi pa man dumarating si Almira, damang-dama na ni Romano ang bigat ng problema na hindi niya alam kung paano masosolusyunan. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply