MALAMIG NA LANGIT (Ika-41 labas)

MAHABANG sandaling namagitan ang katahimikan kina Romano at ng mag-asawang kasambahay na sina Mang Akong at Aling Melinda.

Kahit ang amo ang may problema, nararamdaman din ito ng dalawang matanda.

“Ano ang plano mo ngayon, iho? Itutuloy mo ba ang pagpapakasal kay Charlene?” maya-maya’y basag ng matandang lalaki sa katahimikan.

“Wala akong choice, Mang Akong. Kung hindi ko pakakasalan si Dra. Gorospe, baka kung ano ang gawin sa akin ng pamilya niya,” nag-uulap ang mukha na sagot ng binata. ”

Inulit ni Aling Melinda ang nararamdamang pag-aalaala.

“Paano na si Almira?” tanong ng matandang babae.

“I’m sorry to hurt her. Kasalanan ko ang lahat. May usapan na kami pero natukso pa rin ako sa ibang babae,” malungkot na sagot ng binata.

Hindi na kumibo ang mag-asawa.

Nagpaalam sila sa binata at lumayo na.

Itinuloy na ni Romano ang paghahanda para pumasok.

Matamlay ang binata nang dumating sa ospital.

Biniro tuloy siya ni Louie.

“Para kang namatayan. Meron bang ganyan na ikakasal?” sabi ng kaibigan.

Pilit na ngumiti ang binata.

Nangyari na ang lahat …

No choice siya kundi tanggapin na ang kanyang kapalaran.

“Masama lang ang pakiramdam ko, pare,” dahilan ng binata.

Nasa gayun silang ayos nang biglang dumating si Charlene.

Masayang nilapitan niya si Romano at hinalikan sa pisngi.

“Wow! Totohanan na talaga ito. Porke ikakasal na kayo, okey lang na makita ng iba ang lambingan ninyo!” biro ni Louie.

“Wala pang schedule ang wedding namin,” nakangiting sagot ng dalagang doktora. “Hindi pa namamanhikan si Romano.”

“Mamayang gabi, sasabay na ako sa iyo pauwi. Kakausapin ko na ang parents mo tungkol sa ating kasal para matapos na ang problemang ito,” sabad ng binata sa usapan ng dalawa.

“Talaga? Pero bakit parang malungkot ka?” nakangiting tanong ni Charlene sa nobyo.

Si Louie ang sumagot para sa kaibigan.

“Masama raw ang pakiramdam niya. Alagaan mong mabuti ang iyong husband to be para hindi mabulilyaso ang inyong kasal!” sabi ng binata.

Biglang dinama ni Charlene ang noo at leeg ni Romano.

“Hindi naman mainit ang ulo mo, ah!” sabi ng dalaga.

“Yung ulo sa ibaba, dinama mo na ba?” tumatawang sabi ni Louie.

Na-gets ni Charlene ang ibig sabihin ng una.

Natawa muna siya bago sumagot.

“There’s no problem about it. Ready naman ako to take care of it anywhere and anytime!” sagot niya.

Ang lakas ng tawa ni Louie.

Nakangiti lang si Romano.

Natapos lang ang kanilang biruan nang harapin na nila ang kani-kaniyang trabaho sa ospital.

Sa harap ng trabaho bilang siruhano, pilit na iwinawaksi ng binata ang problema.

Delikado …

Sa konting pagkakamali, baka makamatay siya ng pasyente.

Tigas na pasalamat niya sa Panginoon nang matapos ang araw na iyon dahil wala siyang nagawang palso sa kanyang trabaho.

Nang dumating ang hapon, tinupad niya ang kanyang pangako kay Charlene.

Sumama siya sa dalaga sa pag-uwi nito sa kanilang bahay sa Parañaque.

Malaki at maganda ang bahay ng mga magulang ng dalaga.

Mukhang may sinasabi rin ang kanilang pamilya.

Masarap ang dinner na inihanda ng mother ni Charlene.

Alam niya na darating ang mamanungangin kaya nagpahanda siya ng masarap na hapunan.

Wala pa si Col. Armando Gorospe pero hindi nagtagal at dumating na siya.

Sinadya niya ang pag-uwi nang maaga para magkausap sila nang husto ni Romano hinggil sa kasal nila ng anak na si Charlene.

“Ikaw lang bang mag-isa? Bakit hindi mo kasama ang iyong mga magulang?” tanong ni Col. Gorospe sa binata. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply