Malaysia sa PH: Peace talks dapat iprayoridad

MALAKI ang tinatanaw na pag-asa ng Malaysia na maisusulong ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sa ginanap na 4th Peace and Unity International Forum na inorganisa ng Mindanao Peace Weavers (MPW), Consortium of Bangsamoro Civil Society Organizations (CBCS) at Conciliation Resource (CR) sa Manila Hotel, ipinarating ni Malaysian Deputy Defense Minister Datuk Haji Abd Bin Latif Ahmad na napapanahon na upang bigyan ng prayoridad ang isinusulong na peace process sa Mindanao.

Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Executive Secretary Naguib Sinarimbo, nasiyahan si Ahmad sa nakitang pagpupursige at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa pagpapatupad ng mga programa at proyektong pangkaunlaran sa rehiyon.

Napagkasunduan ng civil society organizations mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao na magtakda at iprayoridad ang mga agenda para sa peace process sa Mindanao.

Ang MPW at CBCS ay mga pro-active CSOs na nagtatrabaho kasama ang iba’t ibang sektor at iba pang indibiduwal na tumatalakay sa pagsusulong ng usaping pangkapayapaan, partikular na sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sinabi naman ni Datu Alluddin Wata sa forum, ang Pilipinas ang isa sa pinakamayamang bansa sa buong Asia, subalit naghihirap ang bansa dahil sa kawalan ng direksyon sa pamamalakad ng pamahalaan.

Bukod sa korapsyon, ang bansa ay naghihirap dahil sa kakulangan ng edukasyon at programang pangkabuhayan kaya nag-aaklas ang mga residente ng bahaging ito ng bansa.   Johnny F. Arasga

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply