Mambabatas nakasisira ng ulo ukol sa petrolyo

ITONG mga mambabatas ang kabilang sa mga opisyal ng bayan na pinagmamasdan ng mamamayan kaugnay ng krisis sa presyo ng petrolyo.

Bibihira ang mga nagbibitiw ng salita ukol dito.

Diyan sa Kamara, iilan lang ang nagrereklamo at sa Senado, iisa lang yata.

Bakit kaya?

Dahil ba sa busog sila sa pork barrel na kinukuha sa 12% expanded value added tax sa langis?

oOo

Pambansang sumpa ang tingin ng nakararami, mga Bro, sa oil price hikes.

Sumpa dahil wala talagang krisis sa suplay ng langis kahit sa Gitnang Silangan na may kaguluhan at pinagmumulan ng 35-40% ng suplay ng langis sa mundo ngunit milagrong sumisirit ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

At lalong sumpa ito sa mahal kong Pinas dahil halos katumbas na ng presyo ng petrolyo ngayon ang presyo noong 2008. Bakit halos magkasing taas ang presyo ngayon at noong 2008 samantalang nasa $110 kada bariles lang ngayon kumpara sa $147 kada bariles noon?

Pero lalong nararamdamang sumpa ang presyo ng petrolyo dahil sa ibinubunga nito na krisis sa kabuhayan ng nakararami.

Halos wala nang kinikita ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan.  Magtanong pa kayo sa mga driver ng traysikel, jeepney, taksi, multicab, habal-habal at kuliglig. Hindi na ring makalayo sa laot ang napakaraming mandaragat. Natutuyot na rin ang sakahan ng mga walang irigasyon na taniman at palayan.

Ibig sabihin nito, bukod sa paghihirap ng mga naghahanapbuhay gamit ang petrolyo, mayroon na ring mga tumigil sa paghahanapbuhay. Kaya ang gutom at paghihirap ng marami ay lumalala.

oOo

Ngayon ay babalik tayo sa mga mambabatas. Nasaan na ang pagmamalasakit nila sa kanilang mga nasasakupan na kanilang inaawitan tuwing halalan?

Bakit ilang partylist congressman na lang ang nag-iingay pabor sa mamamayan? Yung iba, wala na ngang pakialam, nagiging abogado pa ang mga ito ng mga kompanya ng langis sa pagsasabing walang oberpraysing?

Ano ang nangyayari at wala man lang nagsasalita para amyendahan o ibasura ang Oil Dergulation Law na ginagamit na ng mga kompanyang langis sa pagsasamantala?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply