Marikina budget pinababantayan

HINILING ng mga residente ng Lungsod ng Marikina na bantayan at busisiin kung paano ginagamit ng bawat departamento ng Marikina City Hall ang badyet na inilaan sa kanila ng Marikina City Council.

Ito ay matapos maiulat sa pahayagang ito na may isang department head na lumulustay ng salapi ng kanyang departamento.

Una nang naiulat na ang department head na ito ay may nakukuha pa rin umanong malaking halaga mula sa amo niyang pulitiko at ginagamit ito upang siraan ang kasalukuyang alkalde ng Marikina City na si Mayor Del de Guzman.

Sinasabing umaabot  sa P10 milyon ang nakalaang badyet sa nasabing departamento sa isang taon.

Ang halaga ay doble sa badyet ng ibang tanggapan ng pamahalaang panglungsod, kaya’t ito ay naging ugat ng pagkainggit ng ibang department head ng lokal na pamahalaan.

Ang bahagi ng halaga umano ay nagagamit sa pakikipagsosyalan sa mga editor at reporter ng iba’t ibang pahayagan at broadcast stations upang ang mga press release mula sa kanyang opisina ay lumabas sa mga pahayagan at ma-ere sa mga himpilan ng radyo laban sa meyor.

Napag-alaman na ang nasabing department  head ng Marikina City Hall ay lumulustay ng P20,000 sa bawat sosyalang nabanggit linggu-linggo upang “himasin” ang mga editor at reporter.

Pagkatapos, umano, ay may “pabaon” pang matatanggap ang mga ito mula kay department head.

Minsan nang nagtampo ang nasabing department head nang aprubahan ng city council ang kanyang badyet na may tapyas na P5 milyon.

Dahil dito, nagbitiw ang department head. Ngunit makalipas ang maiksing panahon ay nakiusap ito sa kanyang among pulitiko na ibalik ito sa kanyang dating posisyon.

Dahil maimpluwensya ang pulitiko, nangyari ang ibig ng department head.  Jun Ferrer

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply