Matandang binata nagbigti

NAGPAKAMATAY ang isang matandang binata sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Punta, Sta. Ana, Maynila kaninang umaga.

Kinilala ang biktima na si Benjamin Paner, 48, pedicab driver, ng 234 Unit, 2nd floor, Tenement Building, Punta, patay na nang makita ng kanyang kapitbahay na si Ramon Dalisay.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Benito Cabatbat, ng Manila Police District–Homicide Section, dakong alas-6 ng umaga nang puntahan ni Dalisay ang biktima upang ipaalala sa kanya ang part-time job na pagkolekta ng basura sa mga nakatira sa 7 palapag na gusali, pero kanyang naabutang nakabitin na ang biktima.

Palaisipan naman ang pagbibigti ng biktima dahil wala naman umanong nababanggit na problema ang biktima sa kanya.

Ginamit ng biktima sa pagbibigti ang sinturon na isinabit sa nakausling pako sa kisame.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima dakong alas 3 ng madaling-araw.

Nabatid na nag-iisa na lamang ang biktima sa kanyang unit, matapos mamatay noong nakalipas na taon ang kanyang tiyuhin na si Alfredo dahil sa atake sa puso.

Dinala ang bangkay ng biktima sa St. Harold Funeral para sa awtopsiya at safekeeping. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply