May NICA report o wala, krisis sa bigas darating

HAYAN at sumawsaw na ang Senado sa sinasabing ulat ng National Intelligence Coordinating Agency ukol sa krisis sa bigas, lalo na ang kakulangan ng suplay.

Sabi ng isang senador, kung minaniobra lang ang ulat para mataranta ang lahat at magmamahal ang bigas pabor sa mga rice cartel, dapat lang na maimbestigahan ito.

Sabi naman ni PNoy, may utos man siya o wala, kailangan na mag-imbestiga mismo ang NICA dahil ito mismo ang isinasangkot sa “pekeng” NICA report.

Derpor ‘di sapat na idinay ng NICA na wala itong ganung ulat.

oOo

Pero totoo nga bang magkakaroon ng krisis sa bigas?

Ayon mismo kay PNoy, mismong ang United Nations Food and Agriculture Organization ang nagsasabing magkaka-krisis. Mukhang sira ang ani sa trigo sa maraming bansa gaya ng Australia, Russia at iba pa kaya babaling ang mga nabubuhay sa tinapay sa bigas.

Makikipag-agawan ang mga ito sa mga nabubuhay sa bigas sa palengke ng bigas sa Vietnam, Thailand, Amerika at iba pa. Dito magkakaroon ng krisis sa suplay.

oOo

Ngunit dito sa repablik ni Juan, hindi lang suplay ang maaaring krisis sa bigas kundi pati ang presyo nito.

Tingnan ninyo, mismong ang National Food Authority ang nagsasabing tataas ang presyo ng komersiyal na bigas dahil sa pagtataas ng presyo ng langis na ginagamit sa pagsasaka at pagbibiyahe nito sa mga haywey na mahal ang toll, lahat sa basbas ng gobyerno.

Kita niyo, Suki?

Pati ang NFA rice na pinapakyaw ng mga cartel sa NFA ay magmamahal dahil makukumbert ang mga ito na komersiyal at maibibiyahe sa may toll na haywey para maitinda.

Ang krisis sa suplay? Naku, inutil ang pamahalaan sa mga rice hoarder. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply