Mayor ng Surigao inambus, anak sugatan

HIMALANG nakaligtas sa ambus ang mayor ng Surigao del Norte, pero sugatan naman ang kanyang dalagitang anak at police escort nang ratratin ang kanilang sasakyan ng armadong kalalakihan sa boundary ng Dapa at Tagana-an town, iniulat ng pulisya.

Ni galos ay walang tinamo ang biktimang si Tagana-an Mayor Cezar Alsong Diaz, nang ratratin ng hindi nakilalang mga suspek, pasado alas 11:20 ng umaga kahapon, habang ginagamot naman sa Caraga Regional Hospital sa Surigao City ang kanyang police escort na si P02 Anthony Ponteverde at anak na si Carmen Andrea, 17.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na si Diaz at ang kanyang grupo ay lulan ng itim na Toyota Fortuner patungong bayan ng Surigao nang pagsapit sa naturang lugar ay sumulpot ang ilang armadong kalalakihan saka niratrat ang sasakyan ng mga biktima bago nagsitakas.

Ikinasa na ng Surigao del Norte Provincial Public Safety Company (PPSC) at Tagana-an Municipal Police Station (MPS) ang pagtugis sa mga suspek na pinaniniwalaang hired killers.

Hinala naman ng pulisya na may kinalaman sa politika ang motibo sa pananambang. Robert C. Ticzon

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply