McDo pinull-out ang BF-GF fries commercial

KAAGAD na tumalima ang McDonald’s Philippines at ipinull-out ang kanilang television commercial na ‘BF-GF fries’ hinggil sa mga batang musmos na nagliligawan.

Ito’y bunsod ng unang panawagan ng mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na naniniwalang ang naturang commercial ng mga pre-schoolers na nagliligawan ay maaring makapagbigay ng maling values at mensahe sa mga batang makakapanood nito.

Ayon kay Margot Torres, vice president for Marketing ng McDonald’s Philippines., kaagad silang tumalima sa panawagan ng Simbahang Katoliko na isulong ang moral at family values sa kanilang mga commercials bilang respeto sa mga Catholic bishops.

Tiniyak rin ni Torres na hanggang ngayong araw ay maipu-pull out na ito at papalitan ng luma nilang TV commercials.

Paliwanag pa ni Torres, pabor din ang McDonald’s Philippines sa kagustuhan ng mga obispo na isulong ang family values, gayundin sa pagkakagawang-gawa sa publiko.

Nilinaw rin nito na wala naman silang masamang intensiyon sa naturang commercial at nais lamang umano nilang maipaalam sa publiko na abot-kaya lamang ang presyo ng kanilang mga produkto.

Aniya sa panayam ng church-run Radio Veritas, sisimulan nang tanggalin ang commercial sa kagustuhan ng mga obispo ng alas-dose sa GMA7, habang alas-sais naman sa ABS-CBN bilang commitment nila sa pagpromote ng moral and family values.Labis naman ang pagpapasalamat ni Iñiguez sa pagtalima ng Mc Donald’s sa kanilang panawagan.

“Gusto ko lang ipaabot sa McDonald’s, partikular sa kanilang VP for Marketing, ang aming appreciation. You listen, at least doon sa reflection of the Catholic Church tungkol doon sa commercial spot.  Of course meron din kayong mga regulations tungkol diyan. We are very happy na pinakinggan niyo ang aming panawagan. You agree with the sentiment of the Church,” ayon kay Iñiguez.

Una nang tinuligsa ng mga opisyal ng CBCP, sa pangunguna ni Iñiguez, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs, at ni Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life (ECFL), ang nasabing advertisement dahil sinisira nito ang moral values lalo na ng mga kabataan.

Ang naturang komersiyal ng mga paslit na nagliligawan ay makapagbibigay umano ng maling pananaw sa mga bata, dahil ang pakikipag-relasyon ng isang babae at isang lalaki ay hindi pa naman angkop sa mga edad ng mga ito. Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply