Mendoza hinamong inguso ang nanghaharas sa kanya

HINAMON ni Mayor Alfredo Lim si SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ng napaslang na hostage taker na si Chief Insp. Rolando Mendoza, matapos sumuko kay Justice Secretary Leila de Lima na ibulgar ang sinasabi nitong “colonel” na nanghaharas sa kanya kung kaya mas minabuti niyang sa Department of Justice (DOJ) sumuko imbes na sa Manila Police District (MPD).

Sinabi ni Lim sa isang panayam na naniniwala siyang kalabisan na para sumunod pa ang Pilipinas sa Hong Kong dahil may sarili naman itong soberenya.

“Walang taong sira ang ulo, walang gustong mangyari iyon. Hindi na matapos-tapos ang kaso na ito,” reaksiyon pa ng alkalde, kaugnay sa pahayag ni Gregorio na dapat na si Lim ang kasuhan at ang mga pumalpak na opisyal na humawak sa negosasyon sa naganap na hostage crisis.

Ayon pa sa alkalde, sa halip umano na magsalita nang magsalita si Mendoza, mas mabuti aniyang harapin na lamang niya ang kasong isinampa laban sa kanya.

Napag-alaman na mananatili umano si Mendoza sa kustodya ng National Bureau of Investigation (NBI) hangga’t hindi nakakapagpiyansa, bagama’t maghahain ito ng mosyon sa sala ni Manila Regional Trial Court judge Albert Tenorio, Jr. para maibaba ang kanyang piyansa na unang inirekomenda na P200,000.

Sinampahan ng kasong serious illegal detention at conspiracy si Mendoza kung saan sinangkot siya ng MPD sa nabigong hostage negotiation na nangyari sa Luneta Grandstand noong August 23, 2010 na ikinasawi ng 9 Chinese nationals.

Dakong alas-nuwebe ng umaga kanina nang kusang sumuko si Mendoza kay de Lima bago siya itinurn over sa tanggapan ng NBI. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply