Mga anak nina Flor at Sally

PAREHONG mapagmahal na ina.

At para maipakita nila ang kanilang pagmamahal sa kani-kanilang mga anak, nangibang bansa sila.

Doon kumayod sila bilang overseas Filipino workers para lamang mapadalhan ang kanilang mga anak ng pampaaral para magkaroon ang mga ito ng magandang kinabukasan.

Subalit nagbago ang kanilang kalagayan makaraan silang masangkot sa magkaibang krimen.

Si Flor, pinagbintangang pumatay ng kapwa niya kasambahay na si Delia Maga at batang si Nicholas Huang na kanyang inaalagaan sa Singapore.

Si Sally, hinuli sa pagdadala ng apat na kilong heroin sa Tsina.

Nakasilid ang droga sa maletang ipinadala sa kanya ni Tita Cacayan na recruiter ng drug mule o tagabiyahe para sa mga internasyonal na sindikato ng droga.

Dahil sa “nagawa” nilang mga krimen, pareho silang kinitlan ng buhay sa nasabing mga bansa.

oOo

Sa kanilang pag-uwi na malamig nang bangkay, bumuhos ang mga tulong para sa kanilang mga pamilya.

Sa parte ni Flor, may nangako lalo na para sa edukasyon ng mga bata ngunit sa kalaunan ay napako ang mga ito.

Alam na ng lahat kung paano napariwara ang mga anak ni Flor.

Biningwit ang mga ito ng mga sindikato ng droga sa paglalaho ng mga tamang gabay at pangako.

Magaganap kaya ito sa mga supling ni Sally?

Sana naman hindi.

Sana hindi sila mapariwara.

Kinakikitaan ang mga anak ni Sally sa pinapasukan nilang iskul ng mga katangiang magkakaroon sila ng makabuluhang kinabukasan.

Ano-ano ang mga gagawin ng mga kinauukulan upang hindi balutin ng kabiguan ang mga ito?

Ano-ano na ang mga magagandang balita na ihahatid sa mga ito? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply