Mga bading pumalag sa ordinansa kontra condom

PUMALAG ang grupong Progressive Organization of Gays (ProGay) sa ordinansang ipinasa ng Barangay Ayala-Alabang sa Muntinlupa City sa paghihigpit sa pagbili ng condom na maaari umanong magresulta sa
pagtaas ng bilang ng tatamaan ng sakit ng HIV (Human Immunodeficiency Virus).

Sinabi ni Goya Candelario, tagapagsalita ng ProGay, na kinokontra nila ang pagpapasa ng naturang ordinansa na kinakailangan pang kumuha ng reseta sa doktor bago makabili ng condom at iba pang kontraseptibo.

Bukod sa Muntinlupa, isang kahalintulad na ordinansa rin ang ipinasa sa Bataan.

Ayon sa grupo, nakakabahala ang nagaganap umanong “trend” na paghihigpit sa mga kontraseptibo ngayong panahon na matindi ang pagtaas sa bilang ng mga Filipino na tinatamaan ng HIV sa loob ng nakalipas na dalawang taon.

Pumapabor naman ang mga miyembro ng ProGay sa pagpapasa ng “reproductive health bill” na layon rin umano na hindi lang maprotektahan ang sekswal na kalusugan ng kababaihan kundi maging mga baklang katulad nila.

Sa kabila umano na hindi pa nakapaloob sa House Bill 4244 o “An Act Providing for a National Policy on Responsible Parenthood, Reproductive Health and Population and Development” ang “health concerns” para sa mga “lesbian, gay, bisexual at transgender (LGBT),” inaasahang mabibiyayaan rin sila ng anumang reproductive health bill na maisasabatas.

“Mga mahihirap rin ang mga bakla at mga lesbian kaya bahagi rin ng paghihirap ang pangangailangan sa kalusugan.  Kung maipapsa ang RH Bill, mapapakinabangan rin ito ng kanilang pamilya na may mga normal
na kasarian,” ayon kay Candelario.

Nanawagan din ito sa sektor ng kalusugan sa bansa na maging sensitibo na sa pangangailangan ng mga lesbian at bakla na may sarili ring problema sa “reproductive health” partikular na ang mas pagiging
lantad hindi lang sa mga “sexually transmitted diseases (STD)” ngunit maging sa “cervical cancer, breast cancer at iba pa.

“Dahil sa deskriminasyon, nagdurusa kami sa mga walang kakayahang doktor at health workers kaya maraming mga LGBT ang ayaw o umiiwas magpakonsulta kaysa maging tampulan ng kahihiyan,” dagdag pa ni
Candelario. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply