Mga disgrasya at carjacker pag-ingatan

NASA lansangan ang maraming tao ngayong Semana Santa at bakasyon ng mga mag-aaral. Kung hindi sila bumibiyahe, naglalakad lang sila, namamasyal.

Delikado ang mga lansangan dahil sa makilos hindi lang ang mga sasakyan kundi maging ang mga  hinayupak na carjacker at iba pang kriminal.

Para sa mga gumagamit ng mga sasakyan na katulad ni AJ Perez, mag-ingat sa pagmamaneho.
Namatay agad ang binatang artista makaraang makipagsalpukan ang sinasakyan niyang van sa isang bus sa parteng Tarlac. Nag-overtake umano ang van nina Perez sa isang trak at hindi napansin ng driver ang pasalubong na bus.

Nasugatan din ang driver ng van, tatay ni Perez at iba pa sa malagim na aksidente.

Kalagitnaan ng gabi nang maganap ang pangyayari.

Isa pang artista ang nakatawag ng ating pansin dahil sa sinapit nitong kalupitan mula sa mga carjacker.

Akalain ba ni Pilar Pilapil na habang nakasakay siya sa van na minamaneho ng  isang pamangking babae ng kanyang labs nang biglang pumasok ang mga carjacker sa kanilang sasakyan.

Tinutukan sila ng patalim at inutusan ang kasama ni Pilapil na dalhin sila sa Antipolo City galing sa Marikina City na doon naganap ang carjacking.

Pagdating nila sa Antipolo, sinaksak si Pilapil dahil sa pagpalag nito sa nagaganap saka siya inihulog sa isang kalsada.

Nagpapara si Pilapil ng mga dumaraang sasakyan ngunit walang huminto sa mga ito para tulungan siya. Ang mga residente na lamang ng lugar ang sumaklolo sa kanya at nagdala sa kanya sa ospital.

oOo

Napakahirap isipin ang mga pangyayaring ito, mga Bro. Kung hindi ka madidisgrasya sa maling tantiya sa pagmamaneho, may sadya namang pipinsala sa iyo.

Eh hindi lahat ng lugar at lahat ng oras ay may mga otoridad para agad na sumaklolo.

Iniimadyin natin ang ating sarili na nasa kalagayan nina Perez at Pilapil.

Kapag nangyari sa atin ang mga aksidente at bigong pagpatay, una nating pasalamatan ang lahat ng mga nag-aksaya ng panahon at nagpuyat para tayo ay maligtas o maitakbo man lamang sa ospital sa pag-asang maliligtas tayo sa kamatayan.

Nagpupugay tayo sa mga mamamayang nagmamalasakit sa mga nadidisgrasya at dinidisgrasya.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply