Mga preso nasisiraan ng bait dahil sa shabu, bugbog

DUMARAMI na ngayon ang bilang nga mga bilanggo na nasisiraan ng ulo sa loob ng mga kulungan sa mga lalawigan at maging sa kalakhang Maynila.

Itinuturong dahilan ang kalagayan ng mga bilanguan na talamak sa pamamayagpag ng iligal na droga sa loob ng mga selda, idagdag pa ang kalupitan ng mga pulis at jail guards sa mga preso.

Kumikilos ngayon ang Commission on Human Rights (CHR) at Department of Justice (DOJ) sa usapin ng management sa lahat ng piitan ng bansa matapos ibulgar ang talamak na bentahan ng shabu at alak sa mga ito.

Kabilang sa gawaing ito ang National Penitentiary o Bureau of Correction sa Muntinlupa at ilang city at provincial jail sa buong bansa.

Magugunitang si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief and undersecretary, Director General Dionisio Santiago, ay napabalitang inaalis bilang direktor ng National Bilibid Prison dahil sa pagpupumilit nitong ilantad at wasakin ang illegal drug syndicates sa mga piitan ng Muntinlupa.

Nabatid na dumarami na ngayon ang insidente ng mga inmates na nasisiraan ng bait sa loob ng kulungan.

Kamakailan ay kumilos ang CHR-Bicol at sangguniang panlalawigan ng Sorsogon hinggil sa report na sinasabing may 10 preso na ang kinailangan ihiwalay ng mga awtoridad sa Sorsogon Provincial Jail dahil sa pagkawasak ng kanilang katinuan.

Ang naturang imbestigasyon ay bunsod ng kabiguan ng pamunuan ng piitan na iparating sa lokal na pamahalaan ng lalawigan ang naturang pangyayari.

Sinasabing ang mga may sayad na preso ay madalas na nagsisimula ng gulo sa loob ng piitan.

Nabatid pa na isyu rin ito sa Manila City Jail subalit bukod sa droga at alak na ipinapasok sa loob ng piitan ay itinuturo rin ang masamang kalagayan ng mga preso sa mga piitan at ang kalupitan ng mga nagbabanatay rito. Verlin Ruiz

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply