MMDA nahihirapan ipatupad ang waste segregation law

AMINADO si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na nahihirapan silang lutasin ang problema sa basura bunga ng hindi pa rin pagtalima ng mga mamamayan sa waste segregation law.

Ayon kay Tolentino, mahigit 100 tonelada ng basura pa rin ang kanilang nakokolekta araw-araw kaya’t nagsumamo na siya sa mga alkalde sa bawa’t lungsod na tumulong at magsagawa ng kanilang sariling hakbang upang maipatupad ng mahigpit ang tamang pagtatapon ng basura.

Sa kasalukuyan aniya, ang lungsod pa rin ng Maynila at Quezon City ang pinakamaraming basura sa buong Metro Manila bagama’t hindi aniya galing lahat ng ito sa mga residente kundi mga napapadaan lang na walang patumangga kung magtapon ng kanilang basura sa lansangan.

Idinugtong pa ng MMDA chief na ngayon ang tamang panahon upang itulak ng bawat alkalde sa lungsod ang mahigpit na pagpapatupad sa waste segregation law kung nais nilang bumaba ang bulto ng basura sa kanilang siyudad na tiyak na makaaapekto sa daluyan ng tubig kapag dumating ang panahon ng tag-ulan.

“Kailangan tulungan, kung hindi naman dapat gamitin ay huwag nang gamitin para mabawasan ang basura. Sa Cebu ipinatutupad na nila segregation,” ani Tolentino.

Naniniwala si Tolentino na kinakailangang magsimula sa barangay level ang pagtutulungan kung nais ng bawat lokal na pamahalaan na mapanatiling malinis ang kapaligiran.

Nauna nang isinulong ng MMDA ang mahigpit na pagpapatupad sa pagtatapon ng anumang uri ng basura sa lansangan kung saan umaabot na sa 9,000 ang nadarakip na karamihan ay nagbayad ng multa habang ang iba naman ay pinili na lamang na mag-community service. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply