Nagbabanat butong kabataan kasing laki ng populasyon ng QC

KUNG susumahin umano ang bilang ng mga menor de edad na nagtatrabaho sa bansa, halos kasinglaki na ito ng populasyon ng Quezon City.

Inihayag ito ni Lawrence Jeff Johnson, direktor ng International Labour Organization (ILO) Country Office for the Philippines, sa isang pulong-balitaan nitong Miyerkules.
Batay sa Philippine Labor Force Survey (LFS) noong Abril 2010, nasa 2.4 milyon ang nagtatrabahong bata sa Pilipinas.

Aniya, kahirapan at kawalan ng kakayahang pumasok sa paaralan ang pangunahing dahilan kung bakit maraming menor de edad ang nagbabanat ng buto.

“It is of no surprise to anyone that child labor is closely tied with poverty and educational access. Poor families have no choice but to send their children to work in order to survive and, as such, child laborers are often forced to drop out of school,” paglalahad pa ni Johnson.

Sinuportahan ni Giovanni Soledad ng ILO International Program on the Elimination of Child Labor at ni Labor Undersecretary Lourdes Trasmonte ang pahayag ni Johnson.

Ang masaklap pa nito, karamihan sa mga batang ito ay malapit sa pang-aabuso mula sa kani-kanilang amo at kadalasang nasasadlak sa pinakamalalalang kondisyon ng child labor.

May mga kabataan umanong pinagtatrabaho sa mga minahan, ginagamit sa armadong pakikibaka at prostitusyon na hindi nakabubuti sa kanilang pag-unlad bilang tao.

Ayon pa kay Trasmonte, nananatiling problema ng bansa ang child labor kaya’t patuloy din ang mga ikinakasang programa para maresolba ito. Ngunit kung nakapagliligtas sila ng mga kabataan, may mga pumapalit naman sa kanilang mga naililigtas.

Aniya pa, nakadadagdag pa sa problema ang mga magulang na pinipilit ang kanilang mga anak na magtrabaho.

Inamin naman ni Soledad na napakalaki ng suliraning dulot ng child labor at hindi ito agarang masusugpo.

Idinagdag pa ni Soledad na kasalukuyan pa lang isinasagawa ng mga ahensiyang may kinalaman sa lakas-paggawa ang bilang ng mga batang nasa pinakamalalang sitwasyon ng pagtatrabaho, sapagkat ang pinakahuling kumprehensibong survey na naisagawa hinggil dito ay noon pang 2001.

Hindi raw naman ganoon ka-accurate ang LFS survey para matukoy kung gaano karami ang bilang ng mga bata na nasa pinakamalubhang sitwasyon ng pagtatrabaho.

Ilan sa mga probinsiyang pinangalanan ni Soledad na talamak ang insidente ng pagtatrabaho ng mga bata ay ang Masbate, Northern Samar, Quezon Province at Bukidnon. Robert C. Ticzon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>