Nanghulidap na pulis, patong-patong ang kaso

MASISIBAK sa serbisyo ang isang miyembro ng Manila Police District (MPD) kung mapatutunayan ang mga patong-patong na kasong kinahaharap nito matapos ireklamo ng ilang construction worker na kanyang hinulidap sa Sta. Mesa, Manila.

Sinampahan ng kasong guntoting, physical injury at robbery sa Manila Prosecutor’s Office nina Eddie Paglinawan at Panfilo Tuzon, kapwa construction workers, ang abusadong pulis na si PO1 Oliver Sangel, ng 4522 Int. 4, V. Francisco St., Sta. Mesa, Maynila, at nakatalaga sa MPD-District Special Project Unit (DSPU), gayundin ang dalawa pang hindi nakilalang kasama nito.

Ayon kay SPO1 John Cayetano ng MPD-General Assignment Section, nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng mga biktima at suspek ngunit itinuloy pa rin ng mga biktima ang kanilang reklamo laban sa huli.

Sa imbestigasyon, dakong alas-nuwebe ng gabi noong Abril 9 nang bigla silang lapitan ng ‘di-umano’y tatlong lalaki, kung saan natukoy na isa rito si PO1 Sangel.

Agad umano kinapkapan ang mga construction worker at kinuha kay Paglinawan ang sinuweldo nitong mahigit P1,800 na cash at saka sila isinakay ni Tuzon sa dalang motorsiklo ng mga suspek at pinaikot-ikot sa lugar na hindi nila kabisado hangga’t ibalik sila sa mismong construction site na kanilang pinapasukan.

Hindi umano agad pinakawalan ng tatlong suspek si Tuzon at sinabihan si Paglinawan na sabihan ang kanilang engineer na tubusin si Tuzon.

Nanakot pa umano ang mga suspek na kapag hindi nito sabihin sa kanilang engineer ay “itutumba” si Tuzon, kaya napilitang magbigay ng halagang P2,000 ang isang “Engineer Bustamante” na amo ng mga biktima.

Bukod sa dalawang biktima, sinabi ni Engineer Bustamante sa media na marami nang reklamo ang kanyang construction workers hinggil sa pang-aabuso umano doon ng mga pulis.

Itinanggi naman ni PO1 Sangel na isa siya sa tatlong nangikil at nanghulidap sa mga construction worker.

Nalaman sa MPD-GAS na dalawa pang construction workers na kasamahan ng mga complainant ang nakatakdang magsampa sa piskalya ng mga kasong robbery, illegal arrest at indiscriminate firing dahil sa panghulidap sa kanila ng suweldo, cellphone at pinaputukan pa sila umano ng apat na beses na tumama sa lupa.

Ang insidente ay nangyari umano makalipas lamang ng isang oras nang mahulidap sina Paglinawan at Tuzon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply