Negosasyon sa hostage taking sa Agusan del Sur tuloy pa rin

PATULOY ang isinasagawang pagpupulong ng mga kasapi ng Provincial Crisis Management Team upang matiyak ang kalayaan ng 16 na hostage na binihag simula pa kamakalawa ng hapon sa Prosperidad Agusan del Sur, ayon sa ulat ng military at pulisya Sabado, Abril 2.

Ayon kay Army Col. Leopoldo Galon, spokesman, ng Armed forces of the Philippine-Western Mindanao Command pinag-aaralan ngayon ng binuong hostage crisis committee kung paano magkakaroon ng positibong negosasyon para sa pagpapalaya ng mga bihag .

Ito ay kasunod ng demand ng mga hostage taker na bumihag sa 16 na katao na palayain ang nakakulong nilang leader na si Ondo Perez na may kaso rin na pangho-hostage.

Nabatid na nagsimula ang hostage taking dakong alas 4:00 ng hapon nitong Biyernes ng harangin ng mga tauhan ni Perez ang 16 na katao na kinabibilangan ng mga guro, school supervisor at ilang sibilyan at mag-aaral sa Sitio Baluyot, La Purisima, Prosperidad Agusan del Sur.

Nabatid na nagsisilbi lamang ngayong security force ang Agusan PNP at Army 402nd Brigade habang walang go-signal para sa isang military intervention.

Una nang humingi ng pagkain ang mga suspek para sa kanilang mga bihag.

Ayon pa sa opisyal, maayos ang kalagayan ng mga biktima sa kamay ng mga armadong suspek at ginagawa na nila ang lahat ng paraan upang maging matiwasay ang negosasyon sa pamilyang Perez.

Kinilala ang 16 na mga guro na sina Narciso Oliveros, district supervisor, Hipolito Lastimado, division superintendent, Apolonio Alibangbang, principal, Joel Sausa, property custodian, Manuel Mordeno, Filipina Quitoy, Allan Gallano, Mary Jean Bedrijo, volunteer teacher, Arnold Quitoy, Pido Dolorito, Gerlie Monticalbo, Maricel Lagnazon, Diosdado Cabantac at Shen-shen Cabagtag.

Naunang lumabas na 16 na mga guro at ilang menor de edad ang hawak ng mga suspek mula sa ilang eskuwelahan.

Nilinaw naman ni Mayor Alvin Magdamit na kailangan nila ng court order upang mapagbigyan ang demand ng mga hostage taker dahil may kinakaharap na kasong hostage taking at kidnapping si Ondo noong Disyembre 2009 matapos binihag ang 100 biktima na kinabibilangan ng mga elementary pupils at guro.

Sinasabing miyembro ng Manobo tribe ang mga nang-hostage na pinangungunahan ng isang Reyjoy Brital.Si Brital ay dating miyembro ng communist group na nagbalik loob sa pamahalaan.

Ayon kay Galon hinihinalang may kaugnayan din sa awayan ng pamilya o ridu ang isa sa mga motibo ng isinagawang hostage taking

Nagbanta naman ito na papatayin ang mga hawak nilang hostages kung maglulunsad ng rescue operations ang mga awtoridad. Verlin Ruiz

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply