NPA patay, 1 sugatan sa sagupaan sa Surigao

NAPATAY sa sagupaan ang isa sa 30 hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) nang lusubin ng mga ito ang Lianga, Surigao del Sur Municipal Police Station Huwebes ng umaga, Abril 28.

Batay sa report ni Caraga regional police director Chief Supt. Reynaldo Rafal, bagamat kulang sila sa mga tauhan, naging maganda ang depensa ng mga pulis kaya hindi nakubkob ng mga rebelde ang police station

Nagsimula ang sagupaan dakong ala-singko ng umaga at humupa ito makalipas ang may isang oras.

Walang iniulat na namatay o nasugatan sa hanay ng mga pulis sa naganap na labanan, ngunit isang rebelde ang iniulat na namatay.

Iniwan umano ng mga tumatakas na kasamahan ang bangkay ng biktima.

Naaresto umano ang isang nasugatang rebelde, na ngayon ay nasa kustodiya ng kapulisan ng Lianga.

Hanggang sa kasalukuyan inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay sa rebelde at kasama nitong nadakip sa engkuwentro.

Nagsasagawa ng pagtugis ang mga tauhan ng army at police laban sa mga tumakas na rebelde.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply