Okey ang mahigpit na ‘bidding rules’ ni Banayo sa NFA

SA PAMAHALAANG Noynoy Aquino, may naaaninag na liwanag si Mang Juan sa bagong liderato ng National Food Authority.

Ang bulok na sistema noong  panahon ni Gloria Arroyo ay unti-unting nababago sa ilalim ng pamumuno ni Administrator Angelito Banayo.

Sa nakaraang gobyerno, pinaglaruan ang bilyong NFA funds sa pamamagitan ng mga ‘nilutong’ bidding process ng  imported rice.

Pero sa kasalukuyan,  ang ‘lutuan’ at hokus-pokus sa subasta ay tutuldukan na ng mahigpit na bidding rules.

Sa nakalap na dokumento ng Chokepoint, napakahigpit ang Terms of  Preference (TOT) na pinaiiral ni Banayo sa bidders.

Ang bidder ay dapat umanong may financial capability na susunod sa obligasyon ng pagde-deliver ng volume ng rice na kailangan. Kailangan din na ang bidder ay talagang lehitimong business entity at hindi isang front organization lang.

Ang bidder ay dapat magpatupad ng mabibigat na kaparusahan kung sakaling magkaroon ng default. Dapat may certification o warranty galing sa isang foreign source na magpapatunay na mabibigyan ito ng rice requirements kung mabibigyan ng contract.

Dapat ding matiyak na walang partikular na grupo ang magmomonopolyo ng volume of rice para sa importasyon.

Para matiyak na ang objectives ay masusunod, ang bidders ay obligadong magsumite ng ilang documentary requirements na nagpapakita ng compliance with registration at payment requirements  sa lahat ng ahensya ng gobyerno.

Dahil sa mahigpit na bidding rules, mahihirapan din na makapasok ang smugglers at tax evaders, gayundin ang mga korporasyon at mga opisyal na may criminal records.

Tulad ng dapat asahan, maraming rice traders, lalo na ang mga nakakakopo noon ng ‘negotiated bidding’ ang magagalit kay Banayo.

Tama ang ating pantasya dahil pagkatapos ang subasta ng NFA ng 600,000 metric tons ng imported rice noong Marso 23 ay naglabasan ang mga talunang nagrereklamo.

Kabilang dito ang mga ‘favored rice traders’ noong Pangulo pa si Gng. Arroyo, gaya ng isang ‘J Soliman.’ Bong Padua

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply