Oscar Herrera bagong Justice sa Sandiganbayan

ITINALAGA ni Pangulong Benigno Aquino III si Judge Oscar Herrera, Jr., bilang bagong Justice ng anti-graft court na Sandiganbayan.

Ayon sa ipinalabas na pahayag ng Office of the Presidential Spokesperson (OPS) sa mga mamamahayag sa Palasyo, kinumpirma nito na nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang appointment paper ni Herrera nito lamang Martes, Abril 26.

Bago ang pagkakahirang kay Herrera sa Sandiganbayan, siya ay naglingkod bilang presiding judge sa Regional Trial Court (RTC) sa Bulacan at nagsilbing RTC judge sa nakalipas na 17 taon.

Idinagdag pa ng OPS na matagal nang kinukunsidera ng mga miyembro ng Judicial and Bar Council (JBC) na mabigyan ng promosyon si Herrera at maitalaga sa naturang puwesto.

Umabot na sa 20 ang kanyang nominasyon at 12 beses na napasama ang kanyang pangalan sa shortlist ng mga pagpipilian sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, siyam na nominasyon para sa Court of Appeals (CA) at tatlong beses naman para sa Sandiganbayan.

Si Herrera ay nagturo ng law sa loob ng 24 na taon sa University of Santo Tomas (UST), San Bedda College (SBC) at sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Nagtamo na rin ang bagong talagang Sandiganbayan Justice ng iba’t-ibang parangal na kinabibilangan ng Centennial Award for Judicial Excellence in Region III sa taong 2011, Chief Justice Ramon Avancena Award for Judicial Excellence noong 2003 at ang Dangal ng Bayan Award noong 2004. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply