15 OFWs na inabuso sa Dubai, nasa Pinas na

NAGMISTULANG sampal sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapauwi ng 15 Overseas Filipino Workers (OFWs) na inabuso sa Dubai dahil personal na inako ng isang senador ang kanilang pasahe at iba pang pangangailangan.

Sa ulat na nakarating sa Senado, inihayag ng tanggapan ni Sen. Manny Villar na muling makakapling nila ang kanilang pamilya at mahal sa buhay sa Pilipinas matapos silang dumating nitong Miyerkules, Abril 6.

Ginawan ng paraan ng Villar Foundation sa pamamagitan ng Sagip OFW program nito ang pagpapauwi sa 15 OFWs sakay ng Emirates Airline flight EK-332  sa pangunguna ni Marivic Repana na ayaw pakawalan ng amo kahit paso na ang kontrata.

Kasama ni Repana sina Jackielyn Diones, Norilyn Concepcion, Gigi Bartolome, Anita Dumelod, Jelly Joy Galleta, Mihrada Ismael, Regina Ramos, May Tolentino, Nora De Leon, Jocelyn Javier, Marlene Nacional, Feraida Paddam, Arlyn Salavedra at Anissa Fe Yan.

Kabilang sila sa ilang OFWs na kinakanlong ng Filipino Workers Resource Center (FWRC) sa Dubai na binisita ni Villar kamakailan. Personal na inalam ni Villar ang hinaing at mga pangangailangan ng naturang mga OFW nang siya ay makipagdayalogo sa mga ito kasama ang mga opisyal ng konsulado ng Pilipinas sa Dubai.

Naantig ang damdamin ni Villar matapos mapag-alaman ang mga pagmamaltrato at pagmamalupit na dinanas ng mga OFW sa kamay ng kanilang mga amo. Ang iba sa kanila ay biktima ng pang-aabuso at marami sa mga ito ang hindi nakatanggap ng suweldo.

“Nakakaawa ang kalagayan ng marami nating kababayan sa iba’t-ibang panig ng mundo. Di natin matiis na di sila damayan at tulungan sa kanilang dinaranas. Kaya ang ilan sa kanila ay minarapat nating i-uwi sa Pilipinas para makapiling nilang muli ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay at makapag-umpisang muli,” ani Villar.

Personal na sinalubong ni Villar ang 15 OFW sa NAIA kasama ng mga kamag-anak at kapamilya ng mga ito. Kaugnay nito, nagpasalamat si Villar sa tulong ng mga opisyal ng OWWA at ng Philippine Consulate sa Dubai.

Iginiit ni Villar na hindi siya titigil sa pagtulong sa mga OFW sa abot ng kanyang makakaya. Aniya, ang mga OFW na tinaguriang mga bagong bayani ng Pilipinas ay hindi dapat iwanan at pabayaan lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Maliban sa 15, may lima pang OFWs na pauuwiin si Villar sa susunod na mga araw matapos ayusin ang pag-proseso sa papeles ng mga ito pabalik sa Pilipinas.

Nakagawian na ni Villar na magpa-uwi ng mga OFW-in-distress sa tuwing bumibisita ito sa mga bansa sa Gitnang Silangan. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply