Pagbulsa sa P5M fertilizer fund itinanggi ni Lapid

MARIING itinanggi ni Sen. Manuel “Lito” Lapid ang paratang na ibinulsa nito ang halagang P5 milyong pondo na ipinagkaloob sa lalawigan ng Pampanga habang nanunungkulan siya bilang gobernador.

Isinagawa ni Lapid ang pagtanggi matapos idawit siya ng Office of the Ombudsman na kabilang sa 12 mambabatas na iniimbestigahan kaugnay ng P728 milyong fertilizer fund scam na pinangunahan ni dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante.

Sinabi ng senador na nakahanda siyang harapin ang imbestigasyon ng Ombudsman upang patunayan na napunta sa magsasakang benipisaryo ang pondo ng naturang programa.

Tiniyak din nito na hawak pa ng provincial government ang mga dokumento na magpapatotoo na dumaan sa tamang procurement process ang paggamit ng nasabing pondo. Si Lapid ay nagsilbing gobernador ng Pampanga mula Hunyo 1995 hanggang Hunyo 2004 bago ito naging senador.

“Hayaan na lang natin silang gawin ang imbestigasyon ng patas at parehas,” ayon sa statement na ipinalabas ng senador.

Kabilang si Si Lapid na tatayong judge sa impeachment trial ni Ombudsman Merceditas Gutierrez. Sa anim na kaso ng Ombudsman, isa dito ay ang reklamo ng pag-upo niya sa fertilizer fund scam.

“Ayaw kong isipin na may kinalaman ito sa impeachment trial ni Ombudsman Gutierrez kung saan isa tayo sa mga uupong senator judges,” ayon sa senador. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply