Pagkaantala ng Maguindanao massacre hearing ikinabahala

MAKIKIPAGPULONG kay Justice secretary Leila de Lima ang buong prosecution panel para plantsahin ang gusot sa paghawak ng prosekusyon sa Maguindanao massacre case.

Ito ang nais mangyari ni Harry Roque, isang private prosecutor, na nababahala sa sunud-sunod na pagkakansela sa paglilitis ng nasabing masaker sa loob ng dalawang araw.

Magugunitang nakansela ang pagdinig noong Miyerkules, na magbibinyag sana sa bagong hanay ng state prosecutors, dahil may sakit ang saksing si Dr. Raymond Cabling.

Muli na namang kinansela ang pagdinig nang mabigo ang testigo ng prosekusyon na si Elmer Nelson Piedad, na isang ballistics expert mula sa National Bureau of Investigation (NBI), na dalhin ang mga dokumentong magsisilbing ebidensiya na magpapatunay na maaaring maging saksi ang nasabing testigo.

“Ever since we started (the trial), this is the first time that hearings are cancelled,” ani Roque sa mga mamamahayag.

Dahil dito, mahalagang magkaroon ng pagpupulong ang prosecution panel kay De Lima, ayon kay Roque.

Nang nagdesisyon si De Lima na balasahin ang hanay ng state prosecutors sa kaso, nanawagan si Roque na magkaroon ng isang pagpupulong ang prosekusyon upang maayos ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga piskal at private lawyer na si Nena Santos, abogado ni Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu.

Nauna nang nagsalita si Roque sa posibilidad na maantala ang paglilitis sa kaso dahil sa desisyon ni De Lima na balasahin ang prosekusyon.

Sa pagdinig na dapat isasagawa, isang miyembro ng bagong panel ng government prosecutors na si Senior State Prosecutor Nestor Lazaro ang nakatakdang mag-direct examination kay Piedad na hindi nga natuloy dahil nakaligtaan ang katibayan na isang eksperto ito, na hinihingi ng depensa bago paupuin sa witness stand.  Robert C. Ticzon

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply