Pagkontrol sa benepisyo ng GOCC, kasado na

NAKAPILA na para talakayin at pagdebatehan sa plenaryo ang panukalang batas na nagsusulong sa pagtitipid at pagtapyas sa abusong paggamit ng pondo ng lahat ng government-owned and controlled corporations (GOCCs).

Ang House Bill 4067 ay pangunahing iniakda ni House speaker Feliciano Belmonte,
Jr., na naniniwalang malaki ang maitutulong ng mga GOCC sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa kung nasa tamang paraan ang paggugol sa pondo nito at kaakibat sa polisiya ng gobyerno ang ipinatutupad.

Ang hindi lamang masasakop ng panukalang ito ay ang local water districts at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na kinikilala sa Constitution bilang mga independent agency.

Nakapaloob sa HB 4067 ang paglikha sa Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations (GCG) sa ilalim ng Office of the President na magsisilbing, “advisory, monitoring, recommendatory and policy-making body.”

Binanggit ni Belmonte na kabilang sa kapangyarihan ng GCG ang pagrekomenda kung ang isang GOCC ay dapat ng baguhin o buwagin.

Isinulong pa ni Belmonte sa kaniyang panukala na sakupin ng GCG ang pagkontrol at pagrekomenda sa limitasyon ng sahod at benepisyo ng mga uupong Board of Directors and Trustees sa mga GOCC.

Pinagbabawalan sa panukala ang Securities and Exchange Commission (SEC) na irehistro ang “articles of incorporation and bylaws” ng isang GOCC o koporasyon sa ilalim ng Corporation Code of the Philippines hangga’t ang aplikasyon ay walang pahintulot mula sa presidente.

Kabilang sa mga co-authors ng HB 4067 ay sina Reps. Joseph Emilio Abaya (1st District,Cavite); Neptali Gonzales II (Lone District, Mandaluyong City); Rufus Rodriguez (2nd District, Cagayan De Oro City); Maximo Rodriguez, Jr., (Party List, ABANTE MINDANAO); Susan Yap (2nd District, Tarlac); Romeo Acop (2nd District, Antipolo City); Tomas Apacible (1st District, Batangas); Jeci Lapus (3rd District, Tarlac); Florencio Miraflores (Lone District, Aklan); Marcelino Teodoro (1st District, Marikina City); at Henedina Abad (Lone District, Batanes). Meliza Maluntag

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply