Paglaya ng mga titser at kotongerong HPG

MAYROON bang hazard pay ang mga guro?

Naiisip natin ito, mga Bro, kaugnay ng pagkaka-hostage ng maraming guro sa Prosperidad, Agusan del Sur nitong nagdaang mga araw.

Kahapon ay natuwa tayo dahil pinalaya o tinakasan ng mga hostage-taker ang mga guro.

Ang sabi, tinakasan nila ang mga biktima makaraang maramdaman nilang kinukubkob na pala sila ng mga pulis at militar.

Balik sa ating tanong, Suki: meron bang hazard pay ang mga guro?

Sa totoo lang, hindi lang ito ang unang pagkakataon na na-hostage ang ilang guro.

Kaya naman sinasabi ni DepEd Secretary Armin Luistro na isasara na nila ang mga public school na nasa mga malalayo at liblib na lugar kung hindi matiyak ng mga awtoridad ang seguridad ng mga guro.

Talaga namang kawawa ang ating mga guro at sana naman, may benepisyo ang mga ito na katumbas ng pagbubuwis nila ng buhay at kalusugan sa paggampan nila ng tungkulin.

Ngayon, mga Bro, kung walang hazard pay ang mga ito, pupuwede bang gawan ito ng batas?

O kayong, mga mambabatas, huwag na kayong mag-aksaya ng panahon ukol dito.

oOo

Bawat hindi magandang balita ukol sa mga pulis, tayo’y nakasubaybay.

Ito’y para makatulong tayo sa paglilinis sa pulisya mula sa kamay ng mga scalawag.

Nitong huli, sumabog ang balitang kinikilan ng ilang miyembro ng Highway Patrol Group si Arnel Ignacio na isang kilalang artista at singer.

Anak ng tokwa, kung ano-ano ang hinahanap ng mga HPG sa sportscar na minamaneho ni Ignacio.

At nang wala silang mapiga na iligal sa sasakyan, humirit ang mga ito ng P50,000 para maayos na ang lahat.

Siyempre pa, pumalag si Ignacio.

Ngayon, ano-ano na ang ginagawa ng pamunuan ng HPG sa mga scalawag na ito?

Gusto nating marinig, mga Bro, kung ano ang kasunod ng umano’y pagdidisarma at pagbawi sa mga tsapa sa mga ito.

Nasaan na ang mga kasong posibleng isasampa laban sa mga ito para mabawasan ng scalawag ang HPG?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply