Residente sa Pantukan Mining ipinalilikas na

INIUTOS na ni Pangulong Benigno Aquino III sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Office of the Civil Defense (OCD) ang paglilikas sa mga residente na naninirahan sa mining area sa Pantukan sa Compostela Valley sanhi ng naganap na landslide bunga ng walang tigil na pag-ulan.

Ito ang kinumpirma ni National Disaster Risk Reduction andManagement Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, aniya, personal na inatasan ng Pangulo si DENR Secretary Ramon Paje at pamunuan ng OCD para sa paglilikas sa mga apektadong mga residente sa naturang minahan.

Nilinaw naman ng NDRRMC Chief na maliit na bilang lamang ang mga apektadong naninirahan doon ang masasakop ng naturang relokasyon sanhi ng karamihan ng mga minero don ay pawang “transient” o umuupa lamang.

Ayon naman sa Kalihim ng DENR, na sa kasalukuyan ay nakatuon ang puwersa ng gobyerno sa isinasagawang rescue operations sa mga minerong nananatiling nasa-ilalim ng lupa ng gumuhong minahan.

Aniya, matapos na mailigtas ang mga naturang minero ay kaagad naman na ipatutupad ng pamahalaan ang naturang paglilikas sa mga residente na posibleng maharap sa trahedya o sakuna dulot ng walang habaw na pag-ulan sa naturang lugar.

Idinagdag pa ni Paje na maging ang desisyon sa pagpapatigil sa mga operasyon ng pagmimina sa naturang lugar ay kanyang haharapin matapos na matiyak ang kaligtasan ng bawat residente sa naturang bayan. Axel Sam

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply