Pagtapyas sa EVAT sa krudo sopla sa Palasyo

SOPLA kay Pangulong Benigno Aquino III ang panukala ng kaalyadong si Batangas Rep.  Hermilando Mandanas na tapyasan ng 6% ang kasalukuyang 12 percent expanded Value Added Tax (EVAT) na ipinapataw sa mga produktong petrolyo sa bansa.

Sa ambush interview sa Palasyo, taliwas sa pananaw ng kongresista ang inihayag ni Pangulong Aquino sa mamamahayag kaugnay na rin sa isyu na magreresolba sa negatibong epekto ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga lokal na produktong petrolyo, kabilang na ang gasolina at diesel.

Ayon sa Pangulo, magdudulot lamang ng higit na pagkalugi sa pamahalaan kung papanigan niya ang kahilingan na tapyasan ang buwis na ipinapataw ng pamahalaan dahil siguradong ang pagliit ng koleksyon ng buwis na papasok sa kaban ng bayan ang magiging resulta nito.

Pinanindigan pa ng Chief Executive na higit na makatutulong sa sektor ng pampublikong transportasyon ang inihahanda na subsidiya sa presyo ng krudo kumpara sa pagpapaliit sa EVAT na hinihiling hindi lamang ng naturang kongresista kundi maging ng ilang miyembro ng militanteng grupo.

Aniya, ang ilalarga na P500 milyon na subsidya sa krudo ay direktang mararamdaman ng drayberna higit na kailangan nilang ayuda mula sa gobyerno at maging ng kani-kanilang pamilya.

Idinagdag pa ni Pangulong Aquino na posibleng magdulot lamang sa kakapusan sa pondo ng pamahalaan ang pagpapababa sa EVAT, na malaki ang nagiging bahagi sa pinagkukunan ng pamahalaan na panggastos sa iba’t ibang programa ng administrasyon upang maibsan ang kahirapan ng pamumuhay ng pamilyang Pilipino.

Binigyan-diin pa ng Malakanyang na kung may nagsusulong ng naturang panukala na baguhin ang nasasakop ng EVAT ay usapin na ito sa Kongreso at hindi sa Ehekutibo. Axel Sam

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply