Pagtapyas sa P4.35 gasoline excise tax iginiit

HINIMOK ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara ang Malakanyang na pag-aralan ang posibleng pagtapyas sa P4.35 kada litrong excise tax sa gasolina upang mapahupa ang matinding epekto ng pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Kung hindi aniya pupuwedeng galawin ang 12-percent Value Added Tax, mas makabubuting ikonsidera ang pagbawas sa excise tax.

“If the anxiety over any VAT reduction is due to  the administrative problems in implementing two VAT  rates  in one system,  then that fear is absent in the  fixed excise tax on gasoline,” ani Angara.

Sinabi rin ng kongresista, batay sa rekord ng Bureau of Customs, hindi ang VAT ang maituturing na malaking patong sa presyo ng gasolina kundi ang excise tax.

Noong 2010, umaabot sa P5.507 bilyong excise tax ang binayaran ng mga importer para sa 1.296 bilyong litro ng premium gasoline  habang ang VAT naman ay nasa P4.331 bilyon lamang.

Ipinunto rin ni Angara na pinapasan din ng mga publiko ang binabayarang excise tax sa pag-aangkat ng mga gasolina.

Bukod sa gasolina, mabigat din ang patong na excise tax sa aviation gas na aabot sa P3.67 kada litro.

Gayunman, libre naman sa excise tax ang kerosene, liquefied petroleum gas (LPG), at diesel dahil karaniwan itong gamit ng public utility vehicles (PUVs). Pero pinagtibay ang batas na ito noong panahon na limitado lamang sa mga jeep at iba pang pampublikong sasakyan ang diesel.

Dagdag pa nito na: “The disparity does not end there. A billionaire  pays  an excise tax of  P3.65 for every liter of  aviation gas for his private jet, while a marginal fisherman coughs up an excise tax of  P4.35 per liter  for gasoline for his banca,” dagdag pa ni Angara.

Iginigiit din ng mambabatas na kailangan nang madaliin ang hakbang laban sa excise tax sapagkat kinakailangang makahinga ang mga mangingisda sa pagsirit ng presyo ng gasolina.

Tinatayang 80 porsyento kasi ng presyo ng mga isda ay base sa halaga ng langis na ginagamit para mahuli ang mga ito. Beth Aragon

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply