Pamba-blackmail itinanggi ni Brillantes

PINABULAANAN ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr., na tinangka niyang i-blackmail si Senador Alan Peter Cayetano upang piliting bumoto para sa kanyang kumpirmasyon sa Commission on Appointment (CA) kapalit ng paborableng desisyon ng maybahay nitong si Taguig Mayor Lani Cayetano, na nahaharap sa isang election case sa poll body.

“I won’t attempt to bribe or even blackmail a senator of the republic,” ayon pa kay Brillantes.

Ginawa ni Brillantes ang paglilinaw, kasunod ng pahayag ni Sen. Cayetano na nagpadala ang Comelec chief ng emisaryo sa kanya upang makuha ang rekomendasyon ng CA para sa kanyang appointment.

Inamin naman ni Brillantes na pinakiusapan niya ang isang ‘common friend’ na kausapin ang senador, ngunit hindi para i-bribe o i-blackmail ito.

Paliwanag ni Brillantes, nais lamang niyang makausap ang senador upang maipaliwanag ang kanyang panig lalo na’t bukas ito sa pagtutol sa kanyang appointment.

Dagdag pa ni Brillantes, bagamat may impluwensiya siya sa kaso ni Mayor Cayetano, hindi naman niya ito gagamitin para makumpirma sa puwesto bilang chairman ng poll body.

Bilang katunayan, sinabi ni Brillantes na nag-inhibit na siya sa kaso ni Mayor Cayetano, na isinampa ng nakalaban nito sa mayoralty race na si dating Justice Dante Tinga.

Sinabi ng Comelec chief na ni hindi niya tinitingnan ang folder ng naturang kaso at pinaatras na rin umano niya ang kanyang dating law office, upang wala na umanong masabi pa ang mga Cayetano.

“Gusto ko lang siya makausap para lang maipaliwanag ang side ko. Sa talambuhay ko bilang abogado, bilang tao, hindi ko ginagawa yun (bribery). May record naman ako na magsasabi na hindi ganyan ang pagkatao ko,” dagdag pa ni Brillantes. Kyle Gatus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply