Pangarap na lang ba

KATULAD ng maraming mga kababayan natin, sinundan ko sa TV, radyo at pahayagan ang kwento ng pagbitay ng mga Pinoy sa China.

Marami pa pala ang mga Pinoy na nasa death row at maaring sa bitay din sila papunta. Umapela ang gobyerno na hindi matuloy ang parusang bitay pero sa China, ang batas ay batas.

Marahas man para sa iba, pero ang matibay na batas sa kanila ang nanaig at walang nangyari sa pakiusap ng ating pamahalaan. Samantala nabalita naman ang special treatment sa akusadong killer na si Jason Ivler. Pati na rin pagpapahintulot na makapagbigay ng piyansa ang  ominguez brothers na mga akusado sa kaso ng carnapping with murder.  Nariyan din ang kainutilan ng mga awtoridad na mahuli si Senator Lacson hanggang sa lumitaw na lang ito pagkatapos ng lagpas sa isang taong pagtatago.

Iba sa atin. Dito hindi takot ang maraming tao sa batas, lalo ang mga mayayaman at may mga koneksyon sa gobyerno. May biro nga na driving without license pwede ka makiusap pero driving without money, sigurado pag nahuli ka ay matitiketan ka.

Dito ang kaibahan ng China at ibang mga bansa. Takot at gumagalang sa batas ang mga tao doon dahil hindi nababali at walang kinikilingan ang batas, mayaman man o mahirap. Isa ito sa mapupulot natin sa pagbitay sa mga Pinoy sa China – ang patas at walang kinikilingan na pagpapatupad ng batas. Kapag ganito sana sa Pinas, mas madali tayong makakapunta sa tuwid na daan na ipinangako ni Pangulong Noynoy Aquino na ating makakamtan.

Hangga’t mananatiling inutil at walang ngipin ang pagpapatupad ng ating mga batas, walang kasiguruhan ang atin kaligtasan at ang pangarap na pagsugpo sa korapsyon ay mananatiling pangarap na lang.

Ang hinaing ng maraming Pinoy para sa patas na hustisya ay baka mananatiling hinaing na lang. Huwag naman sana.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong salobin at opinyon. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply