‘Pantawid Pasada’ ni PNoy aarangkada na

NILAGDAAN na ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang Executive Order No. 32 na pormal na naglunsad sa P450-milyon programang “Pantawid Pasada” na magbibigay ng subsidiya ng gobyerno sa sektor ng pampublikong transportasyon.

Base sa nilagdaan na EO, ang Public Transport Assistance Program (PTAP) ay naglalayon na maibsan ang negatibong epekto ng patuloy na paglobo ng presyo ng mga lokal na produktong petrolyo partikular na sa hanay ng mga drayber ng tricycle at jeepney.

Sa bisa ng EO 32, pansamantala nitong pagkakalooban ng subsidiya ang mga lehitimong transport groups na may pinanghahawakan na legal na prangkisa na nagmula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nilagdaan ito ng Pangulo noong Abril 1.

Ang paunang P450-milyon pondo ay ipalalabas ng Department of Budget and Management (DBM) na kukunin naman mula sa Special Account in the General Fund (SAGE) ng Department of Energy (DOE).

“The goal here is to ease the burden on the public transport operators so that they can also pass on the savings to the regular commuters,” paliwanag ni Communications Secretary Ricky Carandang.

Batay pa sa EO 32, pangungunahan ng DOE ang implemenstayon ng naturang programa ng pamahalaan habang itinalaga naman ang Department of Transportation and Communication (DOTC) na magsumite ng talaan ng mga jeepney operators at prangkisa na napiling makinabang sa nabanggit na programang ito.

Ipinaliwanag din sa naturang kautusan na sa hanay ng tricycle ay may bahagi lamang ng kanilang kinukunsumong halaga ng krudo ang masasakop ng subsidiya habang ang natitirang kabuuan nito ay sasagutin naman ng kanilang Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng kanilang kabahagi ng alokasyon.

Magiging epektibo ang EO 32 makalipas ang 15 araw at maaari nang magamit ang ipamimigay na smart card sa pagbili ng mga produktong petrolyo sa loob ng isang buwan.

Makalipas ang isang buwan, magsusumite ng report ang DOE sa Interagency Energy Contingency Committee (IECC) hinggil sa status ng programang “Pantawid Pasada” na siyang pagbabasehan ni Pangulong Aquino kung ito ay kailangan pa na ipagpatuloy o tapusin na ang pagbibigay ng subsidiya. Axel Sam

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply