Parak na bumaril sa 2 bagets tiklo

HAWAK na ngayon ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang isa nilang kabaro na pinadarakip at pinasisibak sa serbisyo ni PNP chief Director General Raul Bacalzo dahil sa pagbaril sa dalawang bagets nitong Sabado De Gloria.

Ayon kay PNP spokesman, Chief Supt. Agrimero Cruz, Jr., iniulat ng pamunuan ng  PNP-Police Regional Office 4A na naaresto na si  SPO2 Sammy Pineda ng Bacoor PNP.

Idinagdag ni Cruz na nasa sa kustodiya na ng mga awtoridad sa Paranaque, kung saan naganap ang pamamaril, si Pineda para sa kaukulang paghahain ng kaso.

Naganap ang insidente noong nakalipas na Sabado, alas-tres ng hapon sa Old Quirino Ave., Barangay San Dionisio, Parañaque City.

Ayon sa PNP spokesman, nagalit si Bacalzo nang malaman na nabaril ni Pineda sanhi ng kalasingan ang dalawang menor de edad na biktima.

Iniutos umano ni Bacalzo ang pag-aresto at pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay Pineda. Agad ding iniutos ng hepe ng PNP ang pag-sibak sa suspek.

Ayon sa pagsisiyasat ng Paranaque PNP, nahagip ng punglo at splinter ng bala ang mga binatilyong biktima sa leeg at hita mula sa service firearm ng lasing na si Pineda, na walang habas na nagpapautok baril sa nasabing lugar.

Agad na itinakbo sa pagamutan ang dalawang biktima para malapatan ng lunas.

Agad nag-utos ng isang manhunt operation ang pamunuan ng Paranaque police upang madakip ang tumakas na suspek. Verlin Ruiz

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply