Manonood ng live nude shows sa QC may parusa

IKAKASA ng Quezon City government ang mas mabigat na kaparusahan laban sa mga parokyano ng live nude shows.

Naisailalim sa unang pagbasa at ini-refer sa kaukulang komite ng Sangguniang Panlungsod ang panukalang ordinansa na inihain ni Quezon City Liga ng mga Barangay president at ex-officio Councilor Ranulfo “Rannie” Ludovica.

Ang panukala ay mag-aamyenda sa naunang ordinansa laban sa mga nanonood ng live bold shows na inaprubahan noon pang Pebrero 4, 1989.

Nakasaad sa Section 3 ng naunang ordinansa na naipasa noong panahon pa ng panunungkulan ni dating Mayor Brigido R. Simon Jr., at may bilang na QC Ordinance No. NC-78, S-89, na pagmumultahin lamang ng P500 o makukulong ng 10 araw ang mga parokyano ng live nude shows.

“In view thereof, patrons of live nude shows remain unmindful, undaunted, and continually increasing and the operations of night clubs, beerhouses and other similar establishments featuring the same activities proliferate,” ani Ludovica sa kanyang panukalang ordinansa.

Aniya, may pangangailangan na magpatupad ng mas mabigat na parusa sa mga parokyano ng live nude shows para hindi na mahikayat pa ang mga ito na manood ng mga ganitong uri ng malalaswang panoorin.

“There is an imperative need to impose stiffer penalties to discourage the unnecessary viewing of lewd shows, prevent waste of time and money, preserve the good moral values, and protect women from exploitation, abuse, violence, and other forms of lascivious conduct,” dagdag pa ni Ludovica.

Nais din ni Ludovica na mula sa P500 multa at 10 araw na pagkakakulong, na gawin itong P5,000 o pagkakakulong ng isang taon o parehong ipataw ang mga ito depende sa diskresyon ng korte.

Sakaling maaprubahan, magiging epektibo ang nasabing ordinansa 15 araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply