Paslit bilang ‘human shield’ kinondena

KINONDENA ni Makati Mayor Junjun Binay ang paggamit ng mga residente at magulang sa Laperal Compound, Guadalupe Viejo, Makati City sa mga paslit bilang “human shield” sa naganap na marahas na engkuwentro sa pagitan ng mga demolition team at pulisya kahapon (Abril 27) at naulit ngayong Huwebes ng hapon (Abril 28).

Muling nagpaulan ng mga bote at bato ang mga nagpoprotestang residente nang pasukin muli ng demolition team ang compound kaninang alas-dos ng hapon.

Tulad ng naganap kahapn, ginamit rin ng mga residente ang mga paslit nilang anak bilang “human shield” sa mga awtoridad.

Nagawa namang mapasok ng demolition team na armado ng bulldozer ang barikada ng mga residente at inumpisahang gibain ang mga itinayong istruktura at natitirang bahagi ng mga nasunog na bahay.

Habang isinusulat ito, hindi pa malinaw kung ilan ang mga nasugatan sa panibagong karahasan matapos na anim katao ang masugatan sa sagupaan kahapo.

Sinabi ng alkalde, ilang indibiduwal na may pakinabang sa lugar ang nangunguna sa paglaban sa lokal na pamahalaan at ginagamit pa ang mga bata upang hindi mapasok ang lugar kung saan inilalagay nila ang mga paslit sa kapahamakan.

“Umaapela kami na umalis na sila, pero hindi kami susunod sa isang maliit na grupo na may interes sa lugar at nais na manatiling isang mahirap na komunidad ang Laperal,” ani Binay.

Sa datos buhat sa census sa naturang lugar, nabatid na 400 pamilya lamang sa higit 2,000 pamilyang naninirahan sa Laperal ang residente ng Makati City.

Ang nalalabi umano ay pawang mga rumerenta lamang sa mga may-ari ng bahay na kumikita ng mula P1,000 hanggang P3,000 kada kuwarto bawat buwan na siyang pinagkakabuhayan ng mga residenteng ayaw umalis dito.

May 350 pamilya na umano ang tumanggap ng relokasyon sa Laguna at Bulacan at tulong pinansyal na ibinibigay ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga ito na mag-umpisa ng bagong buhay.

Ito’y matapos na aprubahan sa isang espesyal na sesyon ng Makati City Council ang pagpapalabas ng P20-milyon “relief assistance” sa mga biktima ng sunog.

Iginiit nito na nais lamang umanong ilayo ng lokal na pamahalaan sa kapahamakan ang mga residente makaraang ideklara ang naturang lugar na “danger zone” dahil sa maraming sunog na tumama na dito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply