PBOAP nagpaliwang sa pagpapatupad ng fare hike

MARIING nagpaliwanag ang samahan ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) na hindi fare hike ang kanilang ipinatupad kundi inalis lamang nila ang diskuwento na ipinaiiral sa dagdag-pasahe noong nakaraang 2008.

Ang pagpapaliwanag ay kaugnay sa kasalukuyang umiiral na P1.35 kada kilometro na pasahe na ipinatutupad ng PBOAP na mariing kinukuwestiyon ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

Itinanggi ni PBOAP president Alex Yague na nagtaas sila ng singil sa pasahe kundi napilitan laman silang gawin ito dahil sa pagtaas ng halaga ng krudo, pagtaas ng singil sa toll fee at paglalagay ng local goverment sa mga probinsiya ng mga central terminal, at napipilitang magbayad ang mga bus.

Inamin naman ni Yague na posibleng humirit pa sila ng dagdag-pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Depende na aniya ito sa halaga ng krudo dahil sakaling umabot na ng mahigit P50 ang halaga ng krudo ay mapipilitan silang humirit ng dagdag-pasahe.

Sinabi ni Transportation and Communications undersecretary Dante Velasco na wala silang alam na nagtaas na ng P1.35 kada kilometro ang pasahe sa mga miyembro ng PBOAP.

Aalamin pa aniya niya ito kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Nelson Laluces upang kung aprubado nga ang nasabing pagtataas.

Ayon naman kay PBOAP director Atty. Jose Gazmin, ang consolidated order na inisyu ng LTFRB noong 2008 hanggang 2010 na nag-aapruba sa pagtaas, pero hindi nila naipatupad dahil sa pinakiusap noon ng Malakanyang, ang kanilang pinagbasehan ng pagtaas.

Sinabi naman ni LTFRB Board Member Emmanuel Iway na nakatatanggap na sila ng reklamo mula sa mga pasahero sa nasabing pagtaas kaya ipatatawag nila ang mga operator nito.

Sinabi ni Iway na napaso na ang nasabing kautusan kaya hindi na dapat itong ipatupad pa. Johnny F. Arasga

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply