Pia sa mga simbahan: Tantanan ang RH Bill

HINDI maaaring idikta ng anumang simbahan o samahang relihiyoso ang lalamanin ng isang panukalang batas sa Kongreso dahil bawal ito ayon sa probisyon ng Saligang Batas na hiwalay ng kapangyarihan ng dalawa.

Ganito ang reaksiyon ni Sen. Pia Cayetano matapos maglabasan ang kanya-kanyang opinyon ng dalawang malalaking samahan ng relihiyon sa bansa, partikular ang Simbahang Katoliko at Iglesia ni Cristo (INC).

Ayon kay Cayetano, bukas ang kanyang komite na tumanggap ng mungkahi subalit hindi dapat magdikta ang simbahan sa kanyang komite.

“We live in a democratic country kung saan may separation of Church and State.  Which means po, kung ano man ang relihiyon n’yo, lahat po kayo ay may karapatang paratingin sa amin, as  legislators, kung ano ang mga opinyon nyo,” ani Cayetano.

Ngunit agad nitong nilinaw na: “‘Pag ginawa ho namin ang batas, wala ho kaming puwedeng kilingan na isang relihyon dahil bawal po iyon.”

Aniya, kung pinapayagan ng partikular na rehiliyon ang paggamit ng isang uri ng kontraseptibo, obligasyon lamang ng Estado na matiyak na ligtas ang gagamitin ng pamamaraan.

Ngunit, ayon kay Cayetano, hindi puwedeng diktahan ng Simbahang Katoliko o INC ang Kongreso kung anong panukala ang dapat isulong upang maging batas.

“Hindi ho pwedeng diktahan ng kahit anong simbahan, kasi otherwise, para na ho tayong nagiging Church-State,” giit ni Cayetano.

Sinabi pa ni Cayetano na iginagalang ng Senado ang anumang paniniwala ng Simbahan dahil walang namimilit sa sinuman sa kanilang samahan na gumamit ng partikular na pamamaraan sa family planning, bagkus ginagawa lamang ng Estado ang tungkulin nito sa mamamayan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply