Pichay Bill para sa mga sanggol oks na sa Kamara

NAIPASA na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang orihinal na House Bill 4075 o Mandatory Ocular Prophylaxis Act of 2011.

Naglalayon ang iniakdang panukalang batas ni Surigao del Sur Rep. Philip Pichay na mapangalagaan ang mga sanggol mula sa “opthalmia neonatorum” o isang karamdaman na maaaring ikabulag ng mga ito.

Ayon kay Pichay, layunin ng panukala na gawing compulsory sa mga ospital at paanakan ang ocular prophylaxis sa mga bagong silang na sanggol.

Dapat umano itong isagawa ng manggagamot na nagluwal sa sanggol.

“Ang kakulangan sa wastong nutrisyon tulad ng Vitamin A ang pangunahing dahilan na nagdudulot ng ophthalmia neonatorum sa mga sanggol, isang karamdamang labis na ikinababahala ng mga manggagamot,” ani Pichay.

Aniya pa, nakukuha ito sa panahon ng pagbubuntis, kasama ang tigdas at premature na panganganak.

“Ito ay sanhi ng impeksyon sa mata ng sanggol, pamamaga o pamumula sa isa o dalawang mata na maaaring makita sa loob ng dalawang linggo matapos na isilang ang sanggol,” sabi ng mambabatas.

Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) umaabot sa 1.5 milyong ang bilang ng kabataang bulag sa buong mundo.

Sa resulta ng pambansang survey sa pagkabulag sa bansa na isinagawa mula Abril 1994 hanggang Hunyo 1995 ay lumabas na may 478,968 mula sa 68.4 milyong Pilipino ang bulag.

Ipinaliwanag ni Pichay na ang lunas sa naturang karamdaman ay ang paglalagay ng 0.5% Erythromycin na nagkakahalaga lamang ng P160.

“Hindi mo kailangang maging isang dalubhasa para malaman ang kahalagahan ng paggagamot sa karamdamang ito na siyang tanging lunas na magtatagal sa mahabang panahon,” ani pa ng kongresista.

Ayon sa mga kasamang mambabatas na may-akda ng panukala na sina Negros Occidental Rep. Alfredo Maranaon III at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy, gagawing mandatory sa mga doktor ang paglalagay ng 1% tetracycline ophthalmic ointment o 0.5% erythromycin ophthalmic ointment o 1% silver nitrate aqueous solution sa mga mata ng bagong silang na sanggol.

Sa ilalim ng panukala, ang hindi tutupad sa batas ay magmumulta ng P10,000 hanggang P50,000 at posibleng 30-araw na pagkakasuspinde ng doctor at posibleng pagbawi ng lisensya nito.

Kailangan ding ipaalam sa mga magulang ng sanggol ang mga impormasyon hinggil sa benepisyong dulot ng ocular prophylaxis. Beth Aragon

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply