Ping: RGMA uulanin ng plunder cases

TINIYAK ni Sen. Panfilo Lacson na “uulanin” ng plunder case si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo dahil marami siyang dokumento at impormasyon na magbibigay-daan sa pagsasampa ng mga kaso laban dito.

Sinabi ni Lacson na simula pa lamang ang kasong plunder na isinampa laban kay Arroyo, na ngayon ay kongresista na ng Pampanga.
Ayon sa senador, tiyak na may mga susunod pang reklamo na magdadawit sa kongresista hinggil sa paglulustay noong administrasyon nito.

“Umpisa pa lamang ito,” ayon kay Lacson.

Rerebyuhin niya umano ang maraming dokumentong nakatago sa kanyang baul at upang madiskartehan niya kung paano makatutulong ang mga ito sa pagsasampa ng kaso laban sa dating Pangulo.

Bukod dito, marami rin umanong indibiduwal na lumalapit sa kanya na nag-aalok ng impormasyon upang madiin si Arroyo kaugnay ng iba’t ibang katiwalian at anomalya sa kanyang termino.

Idiniin ng senador na panahon na upang panagutin ang dapat managot at mabigyan ng linaw ang lahat ng alegasyon ng katiwalian at anomalya sa nakaraang administrasyon.

“It’s about time. Kasi it’s been almost a year. At hindi pa natin napapanagot ang dapat managot,” ani Lacson.

Dagdag pa niya: “Napakaraming anomalies na dapat kalkalin, dapat buksan, dapat imbestigahan at dapat makarating sa korte para sa logical conclusion.”
Kinasuhan kahapon, Martes, si Arroyo ng plunder hinggil sa paglulustay ng pondo ng Overseas Workers Welfare Fund (OWWA).
Imbes umanong gamitin ang nasabing pondo para sa overseas Filipino workers (OFWs) ay kinulimbat ito at hinihinalang ginamit ito sa halalan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply