Piston: Nag-overprice na oil company kasuhan

“DAPAT kasuhan ang oil companies na nag-overprice sa kanilang panindang langis noong Abril 19.”

Ito ang giit ngayon ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) sa gobyerno matapos na lumagpas sa itinakdang presyo ng langis ang ilang oil companies.

Ang pahayag ay ginawa ni George San Mateo, secretary general ng Piston, matapos ihayag ng Malacañang na may mga kumpanya ng langis ang nandaya sa presyo ng langis.

Ayon kay San Mateo, hindi sapat ang simpleng pagpaliwanagin lang ng Department of Energy (DOE) ang oil companies na nagpatupad ng sobrang pagtaas noong Abril 19 gaya ng Chevron, Shell at Total. Dapat kasuhan agad at parusahan ng gobyerno ang mga naturang kompanya upang magsilbing leksiyon at di na maulit pa ang kanilang ginagawang cartelized overpricing.

Nalaman na nagpatupad ang Chevron, Shell at Total ng 25 sentimong dagdag sa presyo ng diesel kada litro at 60 sentimo naman sa gasolina.

Batay sa pag-aaral ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nasa P7.50 litro ang overpricing mula noong 2008.

Hinamon rin ng Piston si Pangulong Benigno Aquino III  na  i-freeze ang oil price at ipa-audit sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Audit  (COA) at Bureau of Custom (BOC) ang libro ng big 3.

Muling iginiit ng Piston na napapanahon na para ibasura ng gobyerno ang oil deregulation law na siyang dahilan kaya patuloy na tumataas ang presyo ng langis. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply