PNoy, ‘di kailangan ng emergency powers

POSIBLE umanong magdulot ng “social unrest” ang planong pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III para maresolba ang oil crisis sa bansa.

Ito ang babala ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), bilang reaksiyon sa panukalang bigyan ng emergency power si Pangulong Aquino upang masolusyunan ang krisis na dinaranas ng bansa.

“Wala pang one year ay dumarami na ang lumalabas na grupo na hindi nasisiyahan sa kanyang pamamalakad. Kapag nangyari yang emergency powers na yan, it will lead to social unrest,” ayon sa arsobispo, sa panayam ng church-run Radio Veritas ngayon, Miyerkules.

Aminado rin si Cruz na wala siyang kumpiyansa o tiwala sa Pangulo at maging sa mga tagapayo nito kaya’t tutol siyang mabigyan ito ng emergency power.

Iginiit nito na ang emergency power ay nararapat lamang ibigay sa isang magaling na pamamahala, at hindi aniya iyon kakayanin ng kasalukuyang administrasyon.

“Dahil sa kahinaan ng administrayong Aquino ay nabuo ang ‘Sorry Yellow Movement’ na una nang pumupuna sa mahinang pamunuan ng Pangulo,” anang arsobispo.

Sinegundahan naman ni Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA), na hindi pa kailangan ng Pangulo ng emergency power para matugunan ang oil crisis at bantang rice crisis.

Sinabi ng Obispo na “extreme measure” na ang pagbibigay nito sa Pangulo.

Pinayuhan pa ni Iñiguez ang Pangulo na tugunan ang pangunahing pangangailangan ng publiko sa tamang pasahod, pagkain, suportang medikal at pabahay sa pamamagitan ng kasalukuyang kapangyarihan nito. Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply