PNoy makakarma dahil sa pagtrato kay Merci

NAGBANTA ang isang mambabatas na malamang makarma si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa hakbang ng kanyang kaalyado sa Senado na paspasan ang impeachment trial ni Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Sinabi ni Senate Minority leader Alan Peter Cayetano ngayon, Martes, na oras na aprubahan ng Senado ang panukala ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na magbobotohan agad oras na matapos ang presentasyon ng ebidensiya sa unang Articles of Impeachment kay Gutierrez, ito na rin ang paiiralin na Rules of Procedure sa mga susunod pang isasalang sa impeachment court.

“Be careful for what you wish for, you might get it,” babala ni Cayetano.

Sinabi ng senador na hindi siya tutol sa panukala ni Pangilinan, pero oras na maipatupad ito sa impeachment trial ni Ombudsman Gutierrez ay ito na rin ang ipatutupad na Rules of Procedure sa iba pang impeachable officer, tulad ni Pangulong Aquino, sakaling may maghain ng reklamo sa kanya.

“Kung gagawin nila na sobrang dali na mag-impeach ng isang impeachable officer at gagawin nilang napakabilis ng impeachment trial, baka may mag-file against the President, or against other impeachable officers na sila din later on ang umangal,” paliwanag ni Cayetano.

Nagbabala pa ang senador na kapag binago ang Rules of Procedure sa impeachment ay baka bumaha ng impeachment complaint sa Senado at wala na silang gawin kundi ang lumitis ng kaso at maipit ang pangunahin nilang trabaho na magbalangkas at magpatibay ng mga panukalang batas.

“Baka ang mangyari sa Senate, we will have three years na panay impeachment trial ,” ani Cayetano.

Sinopla na ni Senate President Juan Ponce Enrile ang panukala ni Pangilinan sa pagsasabing baka magkaroon ng ‘fishing expedition’ ang impeachment court, na hindi makatarungan para sa nasasakdal.

Anim na Articles of Impeachment ang kinahaharap ngayon ni Gutierrez, kung saan sa orihinal na Rules of Procedure ay tatapusin lahat ng kaso bago magkaroon ng botohan.

Ngunit sa panukala ni Pangilinan ay magkakaroon agad ng botohan pagkatapos ng unang kaso pa lamang. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply