PNP director, sinugo ni PNoy sa Mindanao

ISINUGO na ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III si Philippine National Police (PNP) director, General Raul Bacalzo, upang alamin ang sitwasyon sa Agusan del Sur upang masigurong maayos ang takbo ng negosasyon sa hostage-taking at maging ang 14 katao na patay sa Maguindanao.

Sa ambush interview kahapon sa Malacañang, sinabi ng Pangulo na maliban sa updates na natanggap niya mula kay Defense secretary Voltaire Gazmin na nagsasabi na “on top of the situation” pa rin ang mga awtoridad sa naganap na pamamaslang sa lalawigan ng Maguindanao, mag-iintay naman siya ng mga sariwang ulat na ipadadala sa kanya mula kay Bacalzo.

Siniguro naman ni Pangulong Aquino na nagtungo sa Agusan del Sur ang PNP Chief, hindi upang pangunahan ang mga ilulunsad na operasyon ng mga operatiba para sa tuluyang paglaya ng natitirang bihag na dinukot sa naturang lalawigan.

Aniya, nais lamang na matiyak ng kanyang liderato na maayos na nakalatag at naipatutupad ang mga nilalaman sa Crisis Management Committee (CMC) manual, na siyang sinusunod sa pakikipag-negosasyon at matagumpay na pagpapalaya sa mga binihag na biktima.

Ikinatuwa rin ng Punong Ehekutibo ang pagpapalaya sa dalawa sa mga hostages at buo ang paniniwala para sa agarang pagtatapos ng krisis at ang tuluyang pagpapalaya sa mga natitirang binihag sa naturang lalawigan.

Kaugnay naman sa karahasan sa Maguindanao, sinabi nito na nag-ugat ang pagkamatay ng naturang walong tao sanhi na rin ng namamagitang alitan sa dalawang pamilya o “rido”.

Subalit, naghihintay pa rin siya ng malinaw at karagdagang mga ulat mula sa mga awtoridad, partikular na sa mga updates na ipadadala sa kanya ni Bacalzo kaugnay sa dalawang kaganapan sa bahagi ng Mindanao.

Samantala, aminado naman ang bagong pinasumpa na si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff, Gen. Eduardo Oban, Jr., na wala pang ibinababa na direktiba sa kanya ang Pangulo, kaugnay na rin sa mga kaganapan sa mga lalawigan ng Agusan del Sur at Maguindanao.

“As of now, we just have to do what is necessary –to maintain presence in the area and continue intelligence operations. In the case of Maguindanao, we just have to make sure that there’ll be nothing that would aggravate the situation in the area,” ani Oban.

Binigyan-diin pa ng AFP Chief na wala siyang nakikitang dahilan upang dagdagan ang bilang ng presensya ng mga sundalo sa naturang mga lalawigan. Axel Sam

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply