Producers ng ‘Willing Willie’ ‘di pa lusot

TINIYAK ng Malakanyang na hindi pa rin off-the-hook ang mga producers ng game show na “Willing Willie.”

Ito’y sa kabila ng boluntaryong pag-off the air ng nasabing game show sa loob ng dalawang linggo matapos masangkot sa kontrobersiya na may kinalaman sa anim na taong gulang na batang lalaki na nagsayaw ng “macho dancing.”

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Atty.  Abigail Valte  na patuloy na iniimbestigahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang kasong ito at ang anumang resulta ng imbestigasyon ay dapat na respetuhin.

“From what I understand, the suspension was voluntary on the part of the network or the producers. May sariling imbestigasyon ang MTRCB na dapat respetuhin,” ayon kay Valte.

Noong nakaraang linggo ay inanunyo ng “Willing Willie” na dalawang linggo silang mawawala sa ere at ang mga lumalabas ngayon sa TV5 ay pawang mga taped episodes.

Ang alegasyon na “child abuse” ang ugat ng desisyong ito ng nasabing game show.

Noong March 12 episode ng programa ay nakita ang pag-iyak ng batang nakilala sa pangalang Janjan na ‘di umano’y pilit na pinagsayaw ng host na si Willie Revillame kapalit ng halagang P10,000.

May ilang government officials, kabilang na sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Corazon Soliman at Commission on Human Rights Chairwoman Loretta Ann Rosales, na kumondena sa insidente.

Pinagtawanan naman ng Malakanyang ang alegasyon na posibleng pinersonal nito si Revillame dahil sa ang katunggali ni Pangulong Benigno Aquino III na si Sen. Manuel Villar, Jr. ang sinuportahan ng naturang host.

“Siguro sa dami ng kailangan natin ayusin ‘di natin iisipin pang mamulitika,” pahayag ni Valte. Kris Jose

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply