Public utility drivers makikinabang na sa PhilHealth

ISINULONG ng mag-inang mambabatas na sina Pampanga Rep. Gloria Arroyo at  Camarines Sur Rep. Diosdado Arroyo ang pagpasa ng House Bill 4340 na naglalayong gawaran ng mandatory health insurance coverage ang lahat ng mga public utility drivers na nagmamaneho ng mga sasakyan tulad ng bus, jeepney, taxi at tricycle sa buong bansa.

Ayon kay GMA, layunin ng panukala na iangat ang kalagayan ng mga driver kahit man lamang sa mga benepisiyong ipinamamahagi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng kanilang National Health Insurance Program (NHIP).

“Mahigit na 12 oras ang ginugugol ng mga driver sa pagmamaneho sa lansangan na umaabot pa ng madaling araw sa bawa’t byahe, dapat lamang na gawaran sila ng mga benepisyo gaya ng mandatory health insurance package bilang pasasalamat sa kanilang paglilingkod at paghahatid ng milyong pasahero sa kanilang mga pupuntahan,” ani Arroyo.

Sinabi ng mambabatas na patakaran ng pamahalaan na magpairal ng komprehensibong programa sa kalusugan para sa lahat, lalo na sa mga mahihirap na mamamayan, batay sa isinasaad sa Republic Act 7875 o National Health Insurance Act ng 1995.

Ayon pa  sa  dating  Pangulo ng bansa, ang RA 7875 ay gumagarantiya na pakikinabangan ng mga mahihirap ang mga serbisyong medikal ng pamahalaan, lalo na ang mga may karamdaman, matatanda, mga may kapansanan, kababaihan at kabataan, sa pamamagitan ng maayos na pamantayan, patakaran, pondo at kalidad na pangangalaga ng kalusugan para sa kasiyahan at kaluguran ng mga miyembro nito. Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply