Punerarya, ospital at pulis lugi sa 60kph

AYON sa Metro Manila Development Authority, naging matagumpay ang proyektong 60 kilometers per hour na pinakamatuling takbo ng mga sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Simula noong buwan ng Enero ngayong taon, iisa pa lang ang aksidente na naganap sa lugar.

Mining tu sey, Suki, halos walang namatay, napilayan, nabulag at iba pang naperhuwisyo.

Kakaiba ang sitwasyon ngayon kumpara sa mga panahong bago pinairal ang proyekto.

Noon kasi, araw-araw na may disgrasya na ikinamamatay, ikinababalda at ikinabubulag ng mga motorista at naglalakad sa kalsada.

Kiler haywey nga ang tawag sa nasabing pinakamalapad na kalsada sa buong repablik ni Juan.

oOo

Alam ba ninyo, Suki, ang ating biglang naisip kaugnay ng balitang ito? Ang mga punerarya, ospital at pulis.

Hindi kaya magsasara ang mga punerarya na itinayo noon dahil sa dami ng kanilang suki sa mga disgrasya?

Ang mga ospital at doktor na nabubuhay sa oberpraysing sa pagtanggap sa emergency at pagrerelis sa morge sa mga ded on araybal, ng professional fee, gamot, operasyon, dugo, kuwarto ng ospital at iba pa, paano?

Ang mga pulis na inuuna ang kumontak ng punerarya para mangomisyon kaysa magtakbo sa ospital
ng mga nadidisgrasya, paano rin?

At ang saydlayn pa nilang kumotong sa mga nadidisgrasyang tao at sasakyan, paano kaya?

Siyempre pa, nalulugi rin ang MMDA at ang traffic enforcement bureau ng lungsod, lalo na ang mga traffic enforcer, sa bibihirang traffic violator.

oOo

Magkagayunman, wala pa ring kapalit ang ligtas na pagbibiyahe.

Perhuwisyo talaga ang oberispiding na pinepera lang naman ng mga dapat na mangalaga kay Juan sa lansangan. Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login